Mga grupo nag-rally sa QC para kondenahin ang anti-terror bill

Raya Capulong, ABS-CBN News

Posted at Jun 03 2020 05:53 PM

MAYNILA — Nagsagawa ng kilos protesta nitong Miyerkoles ang ilang grupo sa Quezon City para kondenahin ang panukalang batas na anti-terrorism bill. 

Bitbit ang mga placard, sabay-sabay na nagmartsa ang iba't ibang militanteng grupo at pumuwesto sa UP Diliman para ipanawagan na ibasura ang anti-terrorism bill.

Mariing kinokondena at binatikos ng mga grupo ang pagratsada umano sa anti-terrorism bill sa kabila ng kinakaharap na health at economic crisis sa bansa dahil sa COVID-19.

Ayon kay Mong Palatino ng Bayan-Metro Manila, isa umano itong instrumento ng pananakot, panunupil at panggigipit. 

Kailan man ay hindi aniya krimen ang ipaglaban ang karapatan ng mahihirap na mamamayan, magsasaka, at manggagawa. 

Sinabi naman ni Kilusang Mayo Uno chairperson Elmer Labog na hindi sila mapipigilan ng anti-terrorism bill para ipaglaban ang mga karapatan ng mga manggagawa na higit na naghihirap ngayong may pandemya.

Giit naman ni League of Filipino Students national spokesperson Kara Taggaoa, mass testing ang panawagan nila at hindi umano mass terror.

Nagbabala naman ang mga militanteng grupo na tuloy-tuloy ang mga ikakasa nilang protesta para igiit ang kanilang mga panawagan laban sa anti-terrorism bill.

Noong Martes ay inaprubahan ng Kamara sa ikalawang pagbasa ang panukalang anti-terrorism law, na halos wala raw pinagkaiba sa aprubadong bersyon ng Senado.

Pebrero naman nang mapasa ang parehong panukala sa Senado.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.