Mga batang babad sa internet posibleng mas lantad sa sexual exploitation

Michael Joe Delizo, ABS-CBN News

Posted at Jun 03 2020 03:41 PM

MAYNILA — Binabantayan ng Philippine National Police (PNP) ang posibilidad ng pagdami ng mga batang nabibiktima ng sexual exploitation sa internet lalo't babad ang mga ito online sa gitna ng pandemya. 

Sa virtual meeting ng House Committee on Women and Gender Equality, sinabi ni Police Brig. Gen. Alessandro Abella, hepe ng PNP-Women and Children Protection Center (WCPC), na naging oportunidad ang pandemic para sa mga online sex offenders na mag-stalk, mag-groom at i-exploit ang mga bata online. 

Ayon kay Abella, may posibilidad na tumaas ang kaso ng mga menor de edad na nagse-share ng mga indecent images o malaswang litrato. 

Sa 12 operasyon ng PNP-WCPC mula Marso 15 hanggang Mayo 31, nasa 43 biktima ang na-rescue, habang 9 suspek ang naaresto at nasampahan na ng kaso. 

Pinakahuling nalansag ang admin ng Facebook groups na "Mahilig sa Bata" at "Batang Masarap Spotted."

Sinabi ni Abella na kung tutuusin ay mababa pa ang mga kaso mula Marso hanggang Mayo kumpara noong Enereo hanggang Pebrero.

Pero aniya, posibleng dumami na ang mga magre-report ngayong nagkaroon na ng pinaluwag na community quarantine sa buong bansa. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.