Mag-aama dinukot ng mga umano'y miyembro ng NPA sa Samar

Ranulfo Docdocan, ABS-CBN News

Posted at Jun 03 2020 06:26 PM

Dinukot ng mga umano'y miyembro ng New People’s Army (NPA) si Cosme Cabangunay at ang mga anak niyang sina Jevie at Jason sa Samar noong Mayo 27. Kuha ng 801st Brigade, Philippine Army

MOTIONG, Samar - Dinukot umano ng mga hinihinalang kasapi ng New People’s Army (NPA) ang isang mag-aama sa bayan na ito, ayon sa mga awtoridad nitong Miyerkoles.

Ayon sa military report ng Philippine Army, limang suspek na mga armado at naka-bonnet ang dumukot kay Cosme Cabangunay at sa mga anak niyang sina Jevie at Jason sa Barangay Canvais noong Mayo 27.

Ang mag-aama ay dating kasapi umano ng rebeldeng NPA na sumuko sa pamahalaan at kasalukyang bahagi ng “Motiong Peacebuilders,” isang grupo ng mga dating rebelde na tumutulong para makamit ang kapayapaan sa Samar.

Hinihiling ngayon ng mga lokal na residente at militar sa NPA ang agarang pagpapalaya sa mag-amang Cabangunay.

Ayon kay Col. Camilo Ligayo, commander ng 801st Brigade, hahabulin nila ang mga dumukot sa magtatay na Cabangunay.

"The people of Motiong demand that you release the victims unharmed," ani Ligayo.

"You can embrace peace with us or face the fury and condemnation of the community as the government forces will relentlessly pursue you,” dagdag niya.

“We assure the relatives that our soldiers will do everything necessary to pursue the perpetrators and bring them to justice."

Nanawagan din si Ligayo sa iba't ibang grupo na kondenahin ang pagdukot sa mag-aama.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.