Food packs, mga damit hatid sa mga nasunugan sa Mandaluyong

ABS-CBN News

Posted at Jun 03 2020 07:57 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Isa ang security guard na si Roland Dumalagan sa libo-libong residenteng nawalan ng tirahan sa sunog na tumama sa Barangay Addition Hills, Mandaluyong noong gabi ng Lunes.

Ikinuwento niyang nagmadali siyang umuwi nang matanaw ang usok sa kanilang lugar mula sa kaniyang pinagtatrabahuhan sa Makati City.

Sa evacuation center, kumpulan sina Dumalagan kasama ang kapuwa evacuees para kumpletuhin ang forms ng Department of Social Welfare and Development para makakuha ng ayuda mula sa gobyerno.

Ipinangtutustos daw ito ni Dumalagan para sa kaniyang 73 anyos na amang may sakit sa bato at prostate, na ngayon ay nagtitiis sa higaang karton at trapal bilang bubong.

Sa katabing puwesto, kumot lang ang panangga sa init ni Rowena Bacalso kasama ang 7 anak.

Laking pag-aalala ni Bacalso na malantad sila sa coronavirus disease, lalo na’t ang barangay nila ang isa sa may pinakamaraming bilang ng positibo sa sakit sa Mandaluyong.

“Ang hirap pa naman magkasakit,” ani Bacalso.

Tatlong eskuwelahan ang naging evacuation site ng mga nasunugan sa Barangay Addition Hills at sa dami ng evacuees, hindi na nasusunod ang social distancing.

Ang ilang modular tents ay umabot na hanggang kalsada.

Aminado ang lokal na pamahalaan na hirap sila sa pagtugon sa panibagong krisis na dala ng sunog.

“Sobrang hirap po kasi ‘di pa nga tapos ‘yong GCQ (general community quarantine)... biglang nagkasunog,” ani barangay chairperson Carlito Cernal.

Sa kabila ng hirap, nagpupursigi ang barangay na punan ang mga pangangailangan ng mga residente kasabay ng patuloy na relief operations sa mga naapektuhan ng lockdown.

Naghatid sa kanila ang ABS-CBN Sagip Kapamilya ng 1,000 food packs na may bigas, canned goods, noodles, at mga damit.

“’Yong relief na binibigay ng private individuals at companies, at siyempre ng ABS-CBN, makakatulong sa amin at makakatulong sa fire victims,” ani Cernal. -- Ulat ni Bernadette Sembrano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.