DOJ iginiit na Filipino citizen si Gabby Lopez

ABS-CBN News

Posted at Jun 03 2020 05:42 PM | Updated as of Jun 03 2020 07:52 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Isang Filipino citizen si ABS-CBN chairman emeritus Eugenio "Gabby" Lopez III mula sa kaniyang kapanganakan, ayon sa Department of Justice (DOJ) nitong Miyerkoles. 

Sa pagdinig ng Kamara kung saan tinalakay ang citizenship ni Lopez, iginiit ng DOJ na Pinoy si Lopez dahil Pilipino ang mga magulang nito. 

"Dahil po siya po ay mayroong magulang, both father and mother na Filipino citizen kaya po sa kaniyang pagkapanganak siya ay isang Filipino citizen," ani DOJ Undersecretary Emmeline Aglipay-Villar.

Ilang mambabatas sa Kamara ang kumukuwestiyon sa pagiging dual citizen ni Lopez. Anila, may restriksyon sa Saligang Batas na nagsasabing Filipino citizens lang ang maaaring mamuno sa isang mass media entity. 

Pero ayon kay Aglipay-Villar, ang pagkakaroon ni Lopez ng pasaporte ng Estados Unidos ay hindi nangangahulugang hindi siya Pilipino.

"Ang kaniyang paggamit ng US passport ay hindi po dahilan para mawala po ang kaniyang Filipino citizenship. At ang hindi naman niya pagkakaroon ng Philippine passport ay hindi rin isang dahilan na hindi siya maging Pilipino," paliwanag ni Aglipay-Villar. 

"Sa kaniya pong pagkapanganak na may Pilipinong ama at Pilipinang ina ay nagbibigay sa kaniya ng pagka-Pilipino niya o ng kaniyang Philippine citizenship," dagdag niya.

Nauna nang iginiit ni Lopez na isa siyang Pilipino at nasa mga Pilipino ang kaniyang katapatan. 

"I stand by my record over the last 35 years. I have been committed to the people of this country. It is a trust that has been passed on to me by my father and by his father before him... So please if you are going to look beyond the technicality and talk about allegiance, please look at my record over the last 35 years po" sabi ni Lopez.

Parte ang citizenship ni Lopez sa mga paksang tinatalakay sa Kamara kaugnay ng aplikasyon ng ABS-CBN sa bagong prangkisa. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.