Dapat mas maraming Pinoy ang isailalim sa COVID-19 test, ayon kay Gordon

Robert Mano, ABS-CBN News

Posted at Jun 03 2020 05:02 AM

Iginiit ni Senator Richard Gordon nitong Martes na kinakailangang baguhin ang coronavirus disease 2019 (COVID-19) testing strategy ng bansa sa nagpapatuloy na debate ng mga senador sa pagpasa ng Bayanihan to Recover As One Act.

Aniya, batay sa World Health Organization, dapat 13 percent ng kabuuang populasyon ang isailalim sa test. Malayo ito sa naunang target ng pamahalaan na 2 percent.

Kung titignan sa total population ng bansa na 110 milyon, nasa 14.3 milyon ang dapat ma-test sa COVID-19. 

Sa Metro Manila naman na epicenter ng sakit at nasa 12.5 milyon ang populasyon, dapat ma-test ang 1.7 milyon katao.

Ayon kay Gordan, nagpalit sila sa Red Cross ng plano at magdaragdag ng mga makina.

Gamit ang kasalukuyang makina ng polymerase chain reaction test, sinabi ng opisyal na aabot sa 56 na araw para matapos ang testing ng 13 percent ng populasyon ng Metro Manila kung kinakailangan gawin ang 30,000 test kada araw.

Kung buong bansa naman, aniya, aabot naman sa 304 araw bago nila matapos ang naturang target gamit ang kanilang 46 testing machines.

Dagdag pa ni Gordon, mahalaga na madagdagan ang mga makina at centers para mas mapabilis ang ginagawa nilang testing.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.