Babala ng DTI: 'PM is key' ipinagbabawal

April Rafales, ABS-CBN News

Posted at Jun 03 2020 04:38 PM | Updated as of Jun 05 2020 09:47 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA – Patok ang e-commerce o online business bilang kabuhayan ng ilan mula nang magkaroon ng lockdown dahil sa coronavirus pandemic.

Kaya nagbabala ang Department of Trade and Industry sa mga online seller na ipinagbabawal ang hindi paglalagay ng presyo sa mga ibinebentang produkto.

“’Yong hindi naglalagay ng presyo doon sa goods nila constitutes [as] profiteering and the Price Act does not distinguish online or physical selling,” ani Ruth Castelo, trade undersecretary for consumer protection.

“Hindi puwede ‘yong PM, they’ll send you a private message or text or whatever means. It’s a violation of the Price Act kung walang price tag,” paliwanag ni Castelo.

Tingin ni Castelo ay hindi naglalagay ng presyo ang ilang online seller dahil sa kompetisyon o takot na malamang peke ang kanilang ibinebenta.

“Ayaw nilang malaman ng kanilang competitors kung magkano nila ibinebenta. They can increase or decrease it depende sa competition nila,” aniya.

“Kung fake ‘yong binebenta tapos sobrang baba, alam na agad ng mga tao.”

Pabor naman dito ang ilang online buyer tulad ni Laura Coronel, na nabiktima kamakailan ng pekeng online seller ng face mask.

Hindi umano inilagay ang presyo at hindi rin nai-deliver ang mga order niyang bayad na.

Para naman sa online seller na si Krizza Gonzales, “iwas-hassle” sa pagbebenta ang paglalagay ng presyo.

“It saves time kasi... order na sila agad, ‘di na sila ‘yong magtatanong,” aniya.

PURCHASE LIMIT

Samantala, pinag-aaralan ng DTI kung dapat nang alisin ang purchase limit sa mga bilihin matapos itong hilingin ng ilang manufacturers at retailers dahil sapat na umano ang raw materials at supply para sa mga bilihing patok ngayong may COVID-19 tulad ng mga de-lata, tinapay, disinfectants at iba pa.

“Medyo naging kampante na ang mga tao, ‘di na nagpa-panic buy,” ani Steven Cua, pangulo ng Philippine Amalgamated Supermarkets Association.

Pero ayon kay Castelo, hindi lang supply ang kanilang binabantayan.

“We need to check also on the demand kasi hindi lang naman ‘yon sa supply lang,” ani Castelo.

“Depende ‘yon sa consumer behavior kung anong mangyayari when we lift the purchase limit. ‘Yong panic-buying ng tao ‘pag wala nang purchase limit yan baka mag-surge ‘yong demand na naman,” dagdag ni Castelo.

Ayon pa kay Castelo, kapag may purchase limit, naiiwasan ang hoarding at pagbenta ng mga item online na 3 beses ang patong sa retail price.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.