Alkaldeng doktor sa CamSur, nanguna sa pagpapatupad ng COVID-19 rapid tests

ABS-CBN News

Posted at Jun 03 2020 06:00 PM | Updated as of Jun 03 2020 06:48 PM

Mismong ang mayor ng San Jose, Camarines Sur na si Marco Chavez, na isa ring doktor, ang nanguna sa pagbibigay ng rapid testing para sa COVID-19 sa kaniyang bayan nitong Lunes, Hunyo 1, 2020.

SAN JOSE, Camarines Sur - Isa pang mahalagang papel ang ginagampanan ngayon ng alkalde ng bayang ito na si Marco Chavez, sa kabila ng patuloy na banta ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Bilang isang doktor, sumabak rin ang 33-anyos na alkalde sa pagpapatupad ng COVID-19 rapid testing sa kaniyang mga kababayan.

Suot ang personal protective suit, si Chavez mismo ay nagsagawa nitong Lunes ng rapid testing sa mga frontliners at na-contact-trace matapos magkaroon ng isang COVID-19 case sa Barangay San Juan ng nasabing bayan.

Kabilang sa mga na-rapid test ay mga empleyado ng munisipyo, mga pulis, bumbero, barangay officials, at health workers.

Isinailalim sa lockdown ang Barangay San Juan noong Sabado matapos mag-positibo sa COVID-19 ang isang barangay health worker na kinilala ng Department of Health sa rehiyon bilang "Bicol 74."

Dahil nagkulang ng mga health workers matapos i-quarantine ang marami sa kanila, sumabak na isinagawang rapid testing si Chavez noong Lunes, kung saan dalawa sa mga na-test ay nagpositibo.

"Yun po yung mahirap kasi, 'pag nag-conduct kami ng rapid test, pupuntahan pa namin yung barangay. Yung iba, pini-pick up namin. Yung iba, medyo malalayo yung barangay, pinupuntahan namin," sabi ni Chavez ngayon Miyerkoles.

"Kinakailangan po talagang kumilos ka kasi, kung hindi tayo, kikilos sino po yung gagawa?" dagdag ng alkalde na nagtapos ng kursong medisina sa Our Lady of Fatima University at ipinasa ang medical licensure exam noong 2018.

Ani Chavez, na sumunod sa yapak ng kaniyang amang nagsilbing aklakde ng San Jose, dati pa niyang nakikita ang pangangailangan sa pagtutok sa kalusugan ng kanyang mga kababayan.

"Nung time po na nakapasa ako, nag-practice po ako nang ilang months para magbigay ng libreng serbisyo. Yun po, sinasabi ng kababayan ko na kailangan nila ng tulad ko," sabi niya.

Bilang alkalde, tutok si Chavez sa programang pangkalusugan. Libre ang serbisyong medikal sa diagnostic center ng bayan, at may espesyal na ordinansa para sa mga nakatatandang may sakit.

"Kinausap ko ang SB (Sangguniang Bayan) na bigyan sila ng maintenance kasi ngayong may krisis tayo, sila yung vulnerable, medyo susceptible sa virus," sabi niya.

Sa kasalukuyan, 446 na ang isinailaim sa rapid testing sa San Jose, at ipapa-swab test naman ang dalawang nagpositibo sa rapid test para sa confirmatory testing.

Panawagan ni Chavez na mabigyan ng anumang tulong ang kaniyang mga kababayan para mas mapagaan ang pagaharap sa pandemya.