3 dawit sa anomalya sa SAP sa Hagonoy, Bulacan kinasuhan

ABS-CBN News

Posted at Jun 03 2020 03:33 PM | Updated as of Jun 03 2020 06:56 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Kinasuhan ang isang barangay kagawad mula Hagonoy, Bulacan matapos umano siyang mameke ng pirma para mabigyan ng tulong sa ilalim ng social amelioration program (SAP) ang kaniyang kaanak at kaltasan ang cash aid ng iba.

Sinampahan din ng kaso ng mga awtoridad ang anak ng kagawad — na isang purok leader — at tauhan ng Hagonoy municipal social welfare development office.

Nahaharap ang 3 sa mga reklamong robbery, grave coercion, at paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act, Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials, Anti-Red Tape Law, at Bayanihan Act.

Ayon kay Eusebio Santos, chairperson ng Barangay Santo Rosario sa Hagonoy, natuklasan niyang kinopya ng kagawad na si Anicia Marquez ang kaniyang pirma at nai-print ang SAP forms ng mga benepisyaryo nang walang paalam.

Natuklasan din na sa 104 na benepisyaryo na pineke ang SAP form, ang ilan sa mga ito ay kinaltasan umano ng kagawad ng tig-P4,000.

Kinuwestiyon din ang focal person ng municipal social welfare development office kung bakit ni-release nito ang pera.

Posible raw may sabwatan sa pagitan ng kagawad at focal person, ani Noel Bocaling, head ng National Bureau of Investigation sa Bulacan.

Itinanggi naman ni Marquez ang mga paratang.

Sinubukan ng ABS-CBN News na kuhanin ang panig ng focal person pero hindi ito nagbigay ng pahayag.

-- Ulat ni Niko Baua, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.