2 pulis kinasuhan sa pagpatay umano sa negosyante sa Iloilo City

Nony Basco, ABS-CBN News

Posted at Jun 03 2020 07:06 PM | Updated as of Jun 03 2020 08:52 PM

ILOILO CITY - Kinasuhan ng National Bureau of Investigation ang dalawang pulis at dalawa pang hindi nakikilalang suspek sa pagpatay sa isang negosyante sa Iloilo City noong Enero.

Sinampahan ng NBI ng kasong murder at theft sina Police Corporal Jerry Villanueva at Police Corporal Joseph Andrew Joven, na itinuturong bumaril sa negosyanteng si Delfin Britanico, na anak ng dating Banat Party-list Representative na si Buddy Britanico.

Ayon sa NBI Death Investigation Division, nakilala ang mga suspek sa pamamagitan ng getaway vehicle na nakunan ng CCTV camera.

Natunton ang pagmamay-ari ng sasakyan na ginamit ng mga suspek sa isang Rent-A-Car at dito na nagsimula ang pagkakilanlan sa mga suspek.

Si Joven ang itinuturong nagrenta ng sasakyan at driver din nang mangyari ang krimen.

Itinuro naman ng isang testigo si Villanueva na kasama sa grupo ng mga armado na bumaril kay Britanico.

Bago pinaslang si Britanico ay pinagbabaril din umano ng mga suspek ang isang drug personality na si Allen Muller sa Cuartero, Jaro sa lungsod din ng Iloilo.

Kaagad na ipinag-utos ng Police Regional Office 6 ang pagsasailalim ang dalawang pulis sa restricted custody matapos maisampa ng NBI ang mga kaso.

Pero napag-alaman ng Police Regional Office 6 na nag-absent without leave na pala si Joven noong buwan pa ng Marso dahil sa dalawang kasong administratibo na kinakaharap nito habang naka-assign sa Iloilo City Police Office.

Si Villanueva naman ay nailipat na rin sa Regional Personnel Holding and Accounting Unit sa Camp Martin Delgado.

PRO6 acting spokesperson Police Lt.Col. Gilbert Gorero, kung hindi na magpakita si Joven, ito ay makokonsidera nang absence without official leave. 

Ayon pa kay Gorero, nirerespeto ng Philippine National Police ang imbestigasyon at pagsampa ng kaso ng NBI laban sa dalawang pulis.

Nangako rin ang PRO6 na tutulong sa mga proseso matapos naisampa ang mga kaso.
Pinabulaanan naman ng PNP na state-sponsored ang pagpatay kina Britanico at Muller.

Paliwanag pa ng PRO6, kung hindi man nalutas ng PNP ang kaso ito'y dahil walang tumayong testigo sa krimen.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.