Siksikang silid-aralan, enrollment bumungad sa pagbubukas ng klase

ABS-CBN News

Posted at Jun 03 2019 08:31 PM

Watch more in iWantTFC

Kulang at nagsisikipang silid-aralan, mga nakatenggang konstruksiyon sa loob ng mga paaralan, at enrollment ang ilan sa mga problemang sumalubong sa pagbubukas ng klase ngayong Lunes.

Sa CAA Elementary School sa Las Piñas City, kung saan balik-eskuwela ang nasa 12,000 estudyante, nahati sa 3 shift ang ilang baitang para bumaba ang student-teacher ratio na nasa may isang guro para sa 50 estudyante.

Tila sindami rin ng mga estudyante ang mga naghahatid na magulang na nasa gate ng CAA Elementary School.

Hindi pinapasok ng pamunuan ng eskuwelahan ang mga magulang para bawas-gulo at para walang makalusot na ibang tao na maglalagay sa seguridad ng mga bata sa alanganin.

Watch more in iWantTFC

Sa Bagong Silangan High School sa Quezon City, inireklamo ng principal na si Modesto Villarin ang ilang buwan nang nakatengga na konstruksiyon sa loob ng eskuwelahan na nagdudulot umano ng pagbaha tuwing umuulan.

"Hazardous 'yan sa mga bata. Kapag biglang umulan, puwedeng magkaroon ng erosion," ani Villarin.

Problema rin sa nasabing paaralan ang siksikan ng higit 1,000 estudyante ng Grade 7, na tinatayang nasa 80 hanggang 90 kada silid-aralan at shift.

Nanawagan din ang mga guro sa Acacia Elementary School sa Malabon City na pabilisin ang paggawa ng bagong gusali para sa karagdagang silid-aralan.

May 44 karagdagang silid-aralan ding hindi pa natatapos itayo sa Juan Sumulong Elementary School sa Antipolo City.

Sa 2020 pa umano inaasahang matatapos ang pagtatayo sa mga silid.

PROBLEMA SA ENROLLMENT

Dinagsa naman ng tawag at ng mga nag-walk-in ang command center ng Oplan Balik Eskwela ng Department of Education (DepEd).

Watch more in iWantTFC

Isa sa mga pinakamadalas na idinulog sa command center ang problema sa enrollment.

Isa sa mga dumulog ang magulang na si Rocky Medalla na ayaw papasukin sa paaralan ang anak dahil kulang ang school records mula sa dating eskuwelahan.

Hindi pa nakukuha ang mga record dahil may balanse pa sina Medalla sa matrikula sa lumang eskuwelahan.

"Nai-stroke po ako kaya natigil po ang pag-aaral niya roon. Balak ko namang bayaran ang eskuwelahang nagkaroon kami ng utang, 'yon nga lang, sa matagal na panahon huhulog-hulugan ko naman," ani Medalla.

Pinapayagan ang lahat ng estudyante na mag-enroll kahit hindi pa kumpleto ang school records nila, ayon sa DepEd.

Pero dapat makompleto na ang lahat ng mga dokumento pagdating ng Agosto 31.

Hinabol naman ng ibang magulang ang deadline ng senior high school voucher application matapos ianunsiyo ng DepEd na pinalawig nila ang deadline sa online application hanggang Hunyo 7.

Nasa 56,000 estudyante ang makatatanggap ng senior high school voucher na nagkakahalagang P22,500 kada taon.

Watch more in iWantTFC

SILID-ARALAN SA TONDO, 'BINAHA'

Sinimulan naman sa isang earthquake drill ang unang araw ng mga estudyante sa Tondo High School sa Maynila.

Pero ang tila hindi napaghandaan ng paaralan ay ang pagbaha sa isang silid-aralan matapos bumulwak ang tubig sa sahig, na hinihinalang galing sa construction site sa pinapagawang extension ng eskuwelahan.

Pumasok umano ang tubig sa construction site mula Manila Bay.

Bahagi ng reclamation area ang Tondo High School, ayon sa principal nitong si Sonny Valenzuela.

"Every 3 years may pagbabago sa level ng lupa," ani Valenzuela.

"Mantakin niyo, ine-earthquake na pati ilalim malambot pa, eventually puwedeng tumagilid po ang building," dagdag niya.

Sinubukan ng ABS-CBN News na kuhanin ang panig ng Manila City Engineers' Office kung talagang "structurally sound" ang paaralan pero tumanggi muna silang magbigay ng pahayag.

Hinihintay pa raw makompleto ang impormasyon at muling pag-inspeksiyon sa paaralan.

Para sa school year 2019 hanggang 2020, 27.21 milyon ang bilang ng mga papasok na estudyante, mas mataas kumpara sa 27.01 milyon noong nakaraang school year, ayon sa DepEd.

--Ulat nina Angel Movido, Apples Jalandoni, Jeff Canoy, at Zyann Ambrosio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.