Perang pangmatrikula natangay sa estudyante sa Quezon City

ABS-CBN News

Posted at Jun 03 2019 04:28 PM | Updated as of Jun 03 2019 09:53 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Pinaghahanap ng Quezon City Police District (QCPD) ang 2 lalaking nangholdap sa estudyante ng perang gagamitin daw sana pangmatrikula.

Matapos mag-withdraw noong Huwebes, sinabayan ng 2 suspek sa paglalakad ang 19 anyos na biktimang lalaki sa may Barangay Santo Domingo.

Nagpanggap umano ang mga suspek na may itatanong sa biktima dahil nag-aaral din daw ang kanilang pamangkin sa paaralang pinapasukan nito.

Isinama ng mga suspek ang biktima hanggang sa bahagi ng P. Florentino Street sa may Araneta Avenue, kung saan siya sinimulang takutin.

Nakuha sa biktima ang kaniyang bag, cellphone, at P35,000 cash na gagamitin daw sana pangmatrikula.

Nakuhanan ng mga surveillance camera sa lugar ang paglalakad at pagkausap ng mga suspek sa biktima.

Istilo talaga ng mga suspek na kunwari ay makikipag-usap sa mga biktima para hindi makatawag ng pansin mula sa mga pulis o barangay tanod, ani Police Lt. Col. Camlon Nadosman, hepe ng QCPD Station 1. -- Ulat ni Doland Castro, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.