Panawagan ng LTFRB: Mga lehitimong school service ang tangkilikin

ABS-CBN News

Posted at Jun 03 2019 07:32 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Hinikayat ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board ang mga magulang na tangkilikin ang mga lehitimong school service para matiyak ang kaligtasan ng mga estudyante.

Hiniling din ng ahensiya na ngayong school year ay maglagay ang mga operator ng dashboard camera at closed-circuit television camera.

"We're trying to raise the level of confidence, lalong-lalo na sa mga magulang at eskuwela, that they're entrusting their students and children doon sa mga school bus service," ani LTFRB Chairman Martin Delgra III.

Karaniwang kasing ginagamit ng mga magulang bilang school service ang mga tricycle o motorsiklo.

Karaniwang ikinakatuwiran ng ilang magulang na dahil mura at mabilis ang mga tricycle kaya tinatangkilik ang mga ito bilang panghatid sa kanilang mga anak sa paaralan. Ito ay kahit minsan ay may mga driver na nag-o-overloading ng mga pasaherong estudyante.

"Malapit lang naman po eh saka mas makakamura [sa tricycle]... Nasa P40 lang," anang magulang na si Ofina Dela Peña.

"Wala naman kasi school bus galing sa 'min," sabi naman ng magulang na si Lani Aguirre.

Hindi saklaw ng LTFRB ang mga tricycle at kung mahuli man ang mga ito bilang school service ay nakadepende sa pamahalaang lokal ang parusang ipapataw.

May mga magulang na naghahatid ng kanilang mga anak sa eskuwelahan gamit ang motorsiklo pero ang iba sa kanila ay hindi nagsusuot ng helmet.

Sa Quezon City, 21 ang nahuli ngayong Lunes — unang araw ng pasuakan — ng Metropolitan Manila Development Authority na nakasakay ng motorsiklo dahil walang helmet habang 20 tricycle naman ang nahuli dahil sa overloading.

-- Ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.