PatrolPH

Lalaki timbog sa tangkang paggahasa, paggulpi sa Valenzuela

ABS-CBN News

Posted at Jun 03 2019 03:18 PM

Naaresto noong gabi ng Linggo ang isang lalaki sa Valenzuela City dahil sa umano ay tangkang panggagahasa at paggulpi sa isang babae.

Naglalakad pauwi ng kaniyang bahay bandang alas-11:40 ng gabi ang 23 anyos na biktima sa may Tamaraw Hills, Barangay Marulas nang kaladkarin siya ng 30 anyos na suspek papunta sa isang abandonadong bahay, ayon sa ulat ng Northern Police District (NPD).

Ginulpi, hinipuan sa dibdib, at tinangkang hubaran ng suspek ang biktimang pilit nanlaban hanggang sa may makakita sa kanilang tricycle driver, ayon sa ulat. 

Nahuli ang suspek matapos dumulog ang testigo sa mga tauhan ng Barangay Marulas.

Dinala sa Women and Children Protection Desk ng Valenzuela City Police Station ang suspek, na posibleng maharap sa kasong attempted rape at physical injuries. --Ulat ni Jaehwa Bernardo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.