Estudyante patay, 3 iba pa sugatan matapos madaganan ng puno

Jay Dayupay, ABS-CBN News

Posted at Jun 03 2019 11:38 PM

LAKE SEBU, South Cotabato - Patay ang isang estudyante habang sugatan ang tatlong iba pa matapos mabagsakan ng puno sa kasagsagan ng ulan sa Barangay Poblacion, Lake Sebu sa South Cotabato Lunes ng hapon.

Dahil sa ulan, sumilong ang mga estudyanteng sina Albert Timbang, Jenny Rose Tampalan, David Inson at Kristy Faith Tangcala sa isang waiting shed. Pabalik na sana ang apat sa kanilang klase.

Pawang mga estudyante ng Lake Sebu National High School sina Tampalan, Inson at Tangcala, habang sa Decolongon High School naman nag-aaral si Timbang.

Ayon kay Police Master Sergeant Bertito Alojado, Jr., ang municipal executive senior Police Officer sa bayan, bigla na lang umanong natumba ang puno ng narra na malapit sa waiting shed at nadaganan ang mga estudyante.

"Malakas kasi ang ulan at malakas din ang hangin kanina mga ala-una. Hindi namalayan ng mga bata na yong puno ay papunta pala sa waiting shed kung saan sila nakatambay," aniya.

Nagtamo ng mga sugat sa katawan ang mga estudyante pero naipit si Timbang na isang Grade 7 student. Kinailangan pang kumuha ng loader at chainsaw ang mga rescuer para matanggal ito sa matinding pagkakaipit.

Bandang alas tres na ng hapon natanggal sa pagkakaipit si Timbang.

"Yong tatlo kaunting sugat lang yong natamo nila pero si Timbang dinala na sa provincial hospital para masigurong okay siya," dagdag ni Alojado.

Bandang alas-5 ng hapon nang kumpirmahin ng tiyahin na si Orlinda Timbang na pumanaw na biktima dahil sa matinding tama sa kaniyang ulo.

"Pagdating sa ospital sir wala na matamlay na siya, hindi na siya humihinga," pahayag ni Orlinda Timbang.

Sa ngayon, patuloy na pinaalalahanan ang mga nakatira sa mga landslide at flashflood-prone area na patuloy na imonitor ang lagay ng panahon.

Ang mga nararanasang pag-ulan sa Socsksargen region ay epekto ng mga localized thunderstorms.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.