Nagkasagutan ngayong Lunes sa Kamara sina Commission on Elections (Comelec) spokesperson James Jimenez at dating kongresistang si Glenn Chong ukol sa nagdaang halalan.
Patapos na ang hearing ng House committee on public accounts nang sinita ni Jimenez si dating Biliran Rep. Glenn Chong.
Magsasalita na si Chong kung bakit 7 oras na walang nailabas na resulta sa media ang transparency server noong halalan.
Tingin ni Chong ay nagamit ang 7 oras na delay para hindi mabuking na may manipulasyon sa mga makina.
Dati nang sinabi ni Chong na wala siya sa mga resibo ng vote-counting machine kahit binoto umano siya.
"'Pag wala ang pangalan ko doon sa template, ang lalabas that's a blank, that's why in the receipt hindi po lalabas ang pangalan kahit binoto. So in other words, the cheating is right there in the machine," ani Chong.
Matapos ang pagdinig, sinundan ni Chong si Jimenez nang palabas na ito. Bumalik si Jimenez na tila nagtatalo sila.
"Siya na mismo nagsabi. Alternative niya 'yon, eh 'di alternative niya," ani Jimenez.
"I think it's very important when you're talking about items of national importance like this, you go with the established facts. Not the alternative theories," ani Jimenez.
Nasita naman ang Parish Pastoral Council for Responsible Voting dahil hindi umano agad pinakita sa media ang problema sa transparency server.
Muling iginiit ni Jimenez na walang epekto sa resulta ang 7 oras na delay sa transparency server.
Bukas naman ang Comelec na hindi na Smartmatic ang magsu-suplay ng makina sa mga susunod na halalan.
Nasa Kongreso na rin ang desisyon kung gagamit ng hybrid election system o mano-manong bilangan sa presinto matapos ang mga aberya nitong nagdaang halalan.
--Ulat ni RG Cruz, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog news, halalan, halalan 2019, transparency server, Glenn Chong, Commission on Elections, James Jimenez, Kamara, Parish Pastoral Council for Responsible Voting, TV Patrol, RG Cruz, PPCRV, VCM, vote counting machine, HalalanAberya