Bangkay ng bata natagpuan sa basurahan sa Negros Occidental; suspek arestado

Martin Muyco, ABS-CBN News

Posted at Jun 03 2019 11:08 AM | Updated as of Jun 04 2019 08:40 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

VICTORIAS CITY, Negros Occidental (2nd UPDATE) - Natagpuan ang bangkay ng isang 7 anyos na babae sa isang basurahan sa Victorias City nitong Linggo ng gabi.

Nakita ng mga residente ang bangkay ng bata na nakabalot sa sako at iniwan sa basurahan malapit sa bahay ng itinuturo umanong suspek na lalaki.

May pasa sa mukha ang bata na magsisimula sana ng klase sa ika-2 baitang nitong Lunes.

Ayon sa mga pulis, huling nakita ang bata pasado ala-1 ng hapon ng Linggo kasama ang kaniyang lola. Papunta sana ang mag-lola sa isang burol.

Hindi umano natuloy ang pagsama ng bata sa kaniyang lola dahil inutusan ito ng suspek na bumili ng sigarilyo.

Nitong Lunes ng hapon, naaresto ang suspek sa bayan ng Ajuy sa Iloilo.

Base sa imbestigasyon, nagnakaw pa umano ng bangka ang suspek para makatakas mula sa Victorias City. Mismong pamilya ng suspek ang nagbigay ng impormasyon sa suspek tungkol sa ginawa nitong krimen.

Lumalabas din sa pagsusuri na severe head injury secondary to mauling ang ikinamatay ng bata, at posibleng sinaktan pa ito bago patayin. Mayroon ring laceration sa maselang bahagi ng katawan ng bata. 

Naniniwala ang mga pulis na gumamit ng ilegal na droga ang suspek kaya nagawa niyang halayin at patayin ang biktima. Sasampahan nitong Martes ng kasong rape with homicide ang suspek. - ulat nina Mark Salanga, Martian Muyco at Regi Adosto, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.