SAPUL SA CCTV: Paghahasik ng lagim ng gunman sa Resorts World

ABS-CBN News

Posted at Jun 03 2017 08:17 PM | Updated as of Dec 28 2017 07:08 PM

Isinapubliko ang video at isinalaysay ng mga namamahala sa Resorts World Manila kung paano nakapasok at naghasik ng lagim ang gunman sa casino complex Biyernes ng madaling araw. 

Sa video, makikitang nakasakay ng taxi nang dumating ang hindi pa nakikilalang gunman sa Resorts World Manila. 

Dala ang dalawang malaking bag, pumasok ito sa pintuan mula sa parking area ng gusali. 

Isinuot nito ang hood ng kanyang jacket habang naghihintay sa pagsakay sa elevator. 

Normal ang pagkilos ng suspek nang sumakay sa elevator. Makikita ring mayroon siyang nakasabay na dalawang babaeng tila dumidistansya sa lalaki. 

Pagdating nito sa ikalawang palapag ng gusali, agad nitong isinuot ang maskara.

Nilagpasan nito ang metal detector habang papasok ito sa casino. Nang sitahin siya ng guwardiya, inilabas nito ang M-4 rifle.

Dito agad nagsigawan at nagtakbuhan ang mga bisita. Ilan pa raw sa mga bisita ang sumigaw ng "ISIS! ISIS!"

Dumeretso naman sa casino area ang suspek, at nagpaputok ng warning shot sa mga naroon, kaya lalong kumaripas ng takbo ang mga bisita sa lugar. Dito na rin sinimulan ng security management team ang evacuation protocols.

Nagpatuloy naman ang suspek sa pagsunog ng mga gaming tables sa pamamagitan ng pagsisindi sa likidong ibinuhos niya sa mga mesa. Inaalam pa ngayon kung kerosene o gasolina ang laman ng mga bote.

Pumasok din siya sa isang pribadong gaming area na kung saan siya nagsunog din ng mga gaming table at slot machine.

Tumungo naman siya sa bar kung saan siya muling nagpaputok ng baril. Nagsunog din siya ng carpet at mga slot machine. 

Pagdating sa likurang bahagi kung nasaan ang storage room ng mga casino chips, puwersahan niyang binuksan ang pinto sa pamamagitan ng pamamaril sa pinto at pagsipa nito. 

Nang makapasok, wala siyang makitang pera, kaya kumuha na lamang ito ng mga casino chips, at pinili ang may pinakamatataas na halaga. 

Sinubukan niyang maghanap ng daan palabas habang umiiwas sa mga tumutugis sa kanya. 

Nagkapalitan ng putok ang suspek pati na ang isang miyembro ng security team. Dito tinamaan ng bala ang suspek. Makikita sa video na iika-ika ito, at may dugo sa mukha. 

Umabot ang suspek sa hallway ng mga kuwarto. Binaril niya ang pinto ng isang kuwarto. Nakapasok, lumabas, at may sinunog sa hallway, hanggang dumating na ang security. 

Base sa press conference ngayong Sabado ng hapon, hindi pa tiyak ng National Capital Region Police Office ang pagkakakilanlang ng gunman. 

Wala ring ID at fingerprints dahil sunog ang suspek matapos silaban ang sarili. 

Ayon sa sinakyang taxi driver, diretsong magsalita ng Tagalog ang gunman. Sinakay raw niya ito sa San Lazaro, Manila. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.