MAYNILA — Kinansela ng Commission on Elections (Comelec) 2nd Division ang registration ng An Waray party-list group dahil sa paglabag umano nito sa ilang probisyon ng Republic Act 7941 o Party-list System Act.
Ayon sa Comelec, nilabag ng An Waray ang ilang panuntunan sa ilalim ng Section 6(5) ng RA 7941.
Nadiskubre ng Comelec na pinayagan ng nasabing party-list group ang second nominee nito na si Atty. Victoria Isabel Noel na maupo bilang kinatawan nila sa 16th Congress sa kabila ng kawalan ng Certificate of Proclamation para kay Noel mula sa komisyon.
"An Waray was found to have violated the laws and the rules for allowing its second nominee, Atty. Victoria Isabel Noel, to sit as Representative in the House of Representatives in the 16th Congress, knowing "fully well" that the Comelec has not issued a Certificate of Proclamation entitling her to do so,” sabi ng Comelec,
Paliwanag pa ng Comelec, dahil sa kawalan noon ng Certificate of Proclamation para sa 2nd nominee, isang puwesto lamang ang nakalaan para sa An Waray kaugnay ng 2013 National and Local Elections kaya walang legal na basehan para maupo si Noel.
Matatandaang noong 2013 elections, naiproklama ang An Waray party-list bilang nanalong party-list group, na sa inisyal na bilang ay may nakalaang 2 puwesto sa Kamara.
Pero ang inisyal na alokasyon para sa 2 upuang ito ay muling binilang at lumabas na isang puwesto lang ang maaari nilang makuha batay sa resolusyon ng National Board of Canvassers o NBOC na pinagtibay noong Agosto 20, 2014.
“Further, NBOC Resolution No. 0008-13, promulgated on 28 May 2013, which An Waray solely relied on as the basis for allowing its second nominee to take her oath and assume office as Representatives in the HoR, expressly stated that the seats initially allocated is 'without prejudice to the proclamation of other parties, organizations or coalitions which later on be established to be entitled to one guaranteed seat and/ or additional seat,'" paliwanag ng Comelec.
Ginawa ang recomputation sa dapat na makuhang upuan ng An Waray kasunod ng kautusan ng Supreme Court sa kasong Abang Lingkod Party List vs COMELEC na nagpoproklama sa Abang Lingkod Party-list bilang isa sa mga nanalong party-list groups noong 2013 na may may isang puwesto sa Kamara.
Ayon kay Comelec spokesperson John Rex Laudiangco, may 5 araw ang An Waray para maghain ng kanilang motion for reconsideration (MR).
"The resolution has yet to become final and executory po. But should it be so, please recall po that the primary qualification to be able to participate in the Party List System of Representation Elections is its registration, and such qualification must be continually possessed po," sabi ni Laudiangco.
Sakali anyang mabigo ang An Waray na magsumite ng mosyon sa itinakdang panahon ay magiging pinal na ang desisyon ng Comelec.
Kung magagawa naman nitong maisumite ang MR sa tamang oras ay iaakyat aniya ito sa Comelec en banc na siyang maglalabas ng resolusyon sa kaso.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.