PatrolPH

Opisina ng 'illegal recruiter' ng mga gustong mag-abroad, isinara ng DMW

Vivienne Gulla, ABS-CBN News

Posted at Jun 02 2023 09:01 PM | Updated as of Jun 03 2023 02:18 PM

MAYNILA — Isinara ng Department of Migrant Workers (DMW) ang opisina ng isang visa assistance at travel consultancy company sa barangay Pasong Tamo sa Quezon City nitong Biyernes ng hapon.

Ito'y dahil sa umano'y ilegal na pagre-recruit nito ng mga manggagawang interesadong mag-abroad. 

Lumabas sa imbestigasyon ng DMW na nag-aalok ang OVM Visa Assistance and Travel Consultancy ng trabaho para mag-hotel worker, cleaner, o waiter sa Malta at Poland kahit hindi umano ito lisensyadong recruitment agency.

Ayon sa DMW, higit P400,000 ang sinisingil ng recruitment agency para sa processing fee. Ayon sa nagreklamo sa kanilang opisina, hindi pa rin siya nakaaalis ng bansa kahit kumpleto na ang kaniyang bayad.

"The fact na nagpapanggap sila na wala naman silang accreditation sa amin, may deception nang involved diyan. Nanlilinlang sila ng mga inosenteng aplikante,” paliwanag ni DMW Secretary Susan "Toots" Ople.

"Ang travel agency, tickets lang ‘yan, pag-book ng tours... Ang recruitment agency, kailangan may lisensya mula sa Department of Migrant Workers. Ito lang talaga ‘yung kanilang business, at mayroon silang job order na approved ng labor attache natin, mayroon silang foreign employer na approved din and vetted by our embassy. Mayroon din silang recruitment agency na counterpart ng agency naman dito. Hindi pareho ang travel agency ticketing lang. Ang recruitment agency may joint and solidary liability. Kung may mangyari sa worker, ‘yung recruitment agency dito o sa abroad, ‘yun ang pwedeng habulin o kausapin ng department. ‘Pag travel agency kausap n’yo, bawal ‘yun,” dagdag niya.

“Based sa ating surveillance, nakita natin na nagrerecruit siya ng workers papuntang Poland and Malta as hotel worker, cleaner, waiters and waitresses. They were required to pay P460,000 each as processing fee, pero ang sabi doon, magbabayad muna sila ng downpayment na P60,000, once na ma-issue ang visa, P100,000 hanggang mabuo ang P460,000… We conducted surveillance operations at natuklasan na nagko-conduct ng illegal recruitment. Based sa report ng ating informant, wala pa raw talagang napapalabas,” sabi naman ni Director Geraldine Mendez ng DMW.

Inihahanda na ng DMW ang isasampang kaso laban sa may-ari ng kompanya. 

Nanawagan din si Ople sa mga nabiktima umano nito na lumapit sa ahensya at maghain ng reklamo. Pwede silang tumawag sa hotline (02) 8722-1192 o mag-iwan ng mensahe sa social media page ng DMW.

"Ang travel agency, kahit daang libo n’yo ‘yan bayaran, hindi ‘yan makapagbibigay sa inyo ng OEC (Overseas Employment Certificate). ‘Pag ikaw ay OFW, ang hahanapin sa iyo sa airport ay kung mayroon kang OEC. So para ka lang nagtatapon ng pera na alam naman natin malamang ay inutang pa ng worker," dagdag ni Ople.

Ayon sa DMW, inirerekomenda na nitong kanselahin ang business permit at DTI certificate of business name registration ng kompanya.

Wala ang may-ari sa opisina nang isara ito ng DMW. 

Pero sabi ng nagpakilalang kapatid ng may-ari, umalalay lang ang kompanya sa mga kumukuha ng visa, at hindi ilegal ang kanilang operasyon.

"Sa consultancy lang po… Ina-assist lang po namin ‘yung kumukuha ng visa," aniya.

Paalala ni Ople sa mga interesadong mag-abroad, tiyaking lehitimo ang ka-transaksyong recruitment agency.

Watch more News on iWantTFC

OPORTUNIDAD SA OMAN AT UAE

Interesado ang bansang Oman na magkaroon ng bilateral labor agreement sa Pilipinas, at inaasahan nitong maraming magbubukas na trabaho doon para sa mga Pinoy, ayon kay Ople.

Dagdag niya, sa sektor ng hotel and restaurant, tourism, at construction ang kakailanganing mga manggagawa sa Oman. 

Pag-uusapan ng 2 bansa sa susunod na buwan ang planong bilateral labor agreement.

“Ngayon ang interest nila, magkaroon ng joint committee meeting, mapag-usapan ‘yung terms and conditions ng kontrata. Ang sabi nga nila, para sa mga Omani, may special place in their hearts ang mga Pilipino. Very happy sila kung madagdagan pa ang bilang ng Filipino workers sa Oman. May ginagawa silang 3 free zone, kaya mangangailangan sila ng maraming workers from the Philippines. Kaya gusto nilang magkaroon ng bilateral labor agreement,” sabi ni Ople.

Sa Hulyo rin isasagawa ang pag-uusap sa pagitan ng Pilipinas at United Arab Emirates kaugnay ng posibilidad ng business-to-business at government-to-government approach sa pagdadala ng mga manggagawang Pinoy doon.

“Ang maganda sa UAE, gusto rin nila i-explore ang possibility na mayroong mga business companies dito, that can invest sa bansa nila, and they will facilitate na itong mga negosyante coming from the Philippines can bring their own workers. So ang mangyayari, ang employers ay mga Pilipino pa rin, but they will be coming in as investors, kasi nasa expansion mode din ang UAE. Mayroon silang economic diversification program, so isa ‘yun sa gusto nilang iexplore sa amin. Sabi nila paano kung business-to-business ang venture, meaning hindi recruitment agency-to-recruitment agency, but a business based in the Philippines with a partner in Dubai, for example. Isa ‘yan din sa gusto nila pag-usapan. Gusto rin nila tingnan ‘yung government-to-government na agreement for other types of workers. Pati ‘yung usual request for health workers,” paliwanag ni Ople.

PINAY NA NAPATAY SA LEBANON

Handa ang DMW na tumulong para maiuwi sa Pilipinas ang bangkay ng Pinay na napatay ng mister sa Lebanon.

April 20 nang masawi si Ferlyn Capuyan matapos barilin umano ng asawang Lebanese-Armenian gamit ang air gun na para sa pangangaso.

“Definitely tutulungan natin makauwi ‘yung bangkay. Kailangan lang namin makuha siguro yung contact details sa pamilya,” sabi ni Ople.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.