Higit 140 pamilyang biktima ng Taal eruption nakatanggap ng bahay

Dennis Datu, ABS-CBN News

Posted at Jun 02 2023 07:04 PM

Higit 3 taon matapos pumutok ang Bulkang Taal na nagdulot ng malawakang pinsala sa Batangas at mga kalapit na lalawigan, may maituturing nang sariling tahanan ang mga pamilyang nawalan ng bahay.

Pinangunahan ni Sen. Francis Tolentino ang pagpapasinaya sa mga bagong bahay sa Talisay Plain Residences Phase 2 sa Barangay Tranca, Talisay, Batangas para sa daan-daang pamilyang nawalan ng tirahan matapos maglaho ang kanilang komunidad sa Volcano Island o Pulo.

Nasa 142 pamilya ang unang nakatanggap ng certificate of award para sa bagong house and lot.

Ayon kay National Housing Authority (NHA) General Manager Joeben Tai, may sukat na 40 square meters ang lote at 26 square meters ang floor area. Walang babayaran ang mga benepisyaryo dahil grant ito ng pamahalaan sa mga biktima ng kalamidad.

"May kasama po ito community facility, magkakaroon po dito livelihood center and terminal," sabi ni Tai.

Si Tolentino, na chairman ng Senate Committee on Urban Planning, Housing and Resettlement noong 18th Congress, ang nagsulong ng proyekto katulong ang NHA at lokal na pamahalaan ng Talisay.

Matapos pumutok ang Bulkang Taal noong January 12, 2020, naghain ng resolusyon si Tolentino para atasan ang Department of Human Settlements and Urban Development at iba pang ahensya ng pamahalaan na bumuo ng Taal Volcano Resettlement and Rehabilitation Program.

Sabi ni Tolentino, natagalan ang proyekto dahil sa pandemya.

"Naunawaan naman natin dumaan ang pandemic sa ngayon naipakita natin natugunan na ang pangangailangan dito, may mga sugat pa rin 'yun na kailangan maghilom pero palagay ko unti-unti nang nakakabangon," aniya.

Ayon naman kay Tai, minamadali na nila ang pagtatayo pa ng ibang housing units.

"Nagka-pandemic po ngayon lang po tayo nag-full blast ng construction pero minamadali ko na po para matapos na po kasi matagal na rin po nag-aantay yung mga beneficiaries natin na nakasilong sa mga evacuation centers," ani Tai.

Lubos naman ang pasasalamat ng mga nakatanggap ng bahay dahil hindi na sila magtitiis at nagsisiksikan sa mga evacuation center.

“Sobrang hirap po talaga, tapos pagputok po ng bulkan dumating pa po yung COVID-19 hindi na po naming alam kung ano ang gagawin nagsunod-sunod na po yung hirap na nadama naming. Ngayon po naiiyak na masayang masaya," sabi ni Nicole Magpantay, isa sa mga nakatanggap ng bagong bahay.

Ayon sa NHA nasa 6,000 housing units pa ang kanilang itatayo para sa mga nawalan ng tirahan dahil sa Taal Volcano eruption. Nagkakaproblema lamang aniya sila sa pagkukuhanan ng pondo.

Tinatayang nasa 53,697 indibiidwal o 10,131 households ang naapektuhan ng pagputok ng Bulkan Taal base sa data ng NHA mula sa mga bayan ng Talisay, Malvar, Tanauan City, Laurel, Agoncillo, Sta. Teresita, Ceunca, Alitagtag, Mataasnakahoy, Lipa City, Balete at San Nicolas.

Watch more News on iWantTFC