Inaresto ang 2 lalaking sangkot sa serye ng pagnanakaw ng mga motorsiklo sa Maynila, sabi ngayong Huwebes ng pulisya.
Ang mga suspek ay dawit sa insidente ng pagnanakaw sa Velasquez Street sa Tondo noong madaling araw ng Mayo 6 - isang insidenteng nakuhanan ng CCTV.
Sa kuha, mapapanood ang paglapit ng suspek sa motorsiklo na nakaparada sa harap ng isang bahay. Saglit itong yumuko at napaandar ang motorsiklo saka sumakay at tumakas.
Nakuhanan din ang pagnanakaw ng motorsiklo ng mga suspek sa Gastambide Street sa Sampaloc noong Mayo 13 at Bambang noong Mayo 18.
Natuldukan ang modus ng 2 noong Mayo 27 nang magtangkang takasan ang checkpoint sa Sta. Cruz.
Hinabol sila ng mga pulis at nang masukol, nabatid na walang rehistro ang kanilang motorsiklo at wala ring lisensiya ang nagmamaneho.
Nakuha rin sa mga suspek ang isang baril at improvised pick lock.
"Nakapagtataka na na-recover natin ito. Itong pick lock na ito, ito 'yong ginagamit nila sa mga carnapping ng mga motorcycles," sabi ni Lt. Col. John Guiagui, commander ng Manila Police District Station 3.
Ang motorsiklong ninakaw pala noong Mayo 6 ay pag-aari ng isang pulis-Maynila.
"Almost 2 years na akong nagpa-park diyan. Tsaka 'yong time na nawalan diyan, marami pong motor na lagi nandiyan. Nagkataon lang siguro na naispatan 'yong motor ko," sabi ni Cpl. Resty Espinosa, may-ari ng motorsiklo.
Aminado ang mga naarestong sina Jerome Manapat, 22, at Marly Gomez, 19, na sila ang mga nasa video.
Ayon kay Gomez, hindi nila kilala ang mga katransaksiyon na bumibili ng kanilang ninakaw.
Nakasuhan ang 2 ng 4 counts of carnapping at illegal possession of firearms.
Nanawagan naman ang pulisya sa iba pang biktima na lumantad.
—Ulat ni Wheng Hidalgo, ABS-CBN News
RELATED VIDEO
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.