PatrolPH

Mga pulis dapat regular na ipa-psychiatrist: eksperto

ABS-CBN News

Posted at Jun 02 2021 08:41 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA — Matapos ang walang habas na pamamaril ng isang pulis sa isang ginang sa Quezon City noong Lunes, inirekomenda ng isang eksperto na magkarooon ng regular na psychiatric assessment ang kapulisan sa kanilang hanay lalo't hindi ito ang unang karahasang ginawa nila.

Sabi ni Dr. Maria Bernadette Manalo, miyembro ng Philippine Psychiatric Association, importanteng magkaroon ng regular at tuloy-tuloy na psychiatric monitoring ang pulisya lalo't dapat magabayan ang kanilang mental health.

"I would recommend talaga na may monitoring din sa kanila. Kasi, alam mo, mahirap din ang nasa daan ka, nasa labas ka, marami ka na-engkuwentro na traumatic incidents," ani Manalo.

Hindi rin aniya uubra na isang beses lang ito gagawin kada taon.

"Kailangan talaga every 3 to 6 months," aniya.

Aminado naman si Philippine National Police (PNP) chief Gen. Guillermo Eleazar na limitado ang health services nila.

Pero ayon kay Eleazar, aaralin nila ang rekomendasyon, lalo sa ngayon ay limitado lang ang psychiatric assessment sa recruitment at kapag nag-a-apply para sa promosyon.

Humingi ng tawad si Eleazar sa pamamaril ng pulis na si Master Sgt. Hensie Zinampan ng Police Security and Protection Group sa 52-anyos na si Lilybeth Valdez, na nakuhanan pa ng video at viral na ngayon sa social media. 

"Talagang nakakalungkot ang pangyayaring ito dahil gaya ng sinabi ko nga, kahit anong sabihin ko dito, hindi ko naman kayo makukumbinse," aniya.

Nangyari ang krimen 5 buwan lang makalipas ang pamamaril ng isa pang pulis sa Tarlac noong Disyembre, na nakuhanan din ng video. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.