PatrolPH

Mga pasahero, truck stranded sa Batangas Port dahil sa bagyong Dante

ABS-CBN News

Posted at Jun 02 2021 05:05 PM

Stranded sa labas ng Batangas Port ang ilang pasahero at mga sasakyan matapos suspindehin ang biyahe ng mga barko sa pantalan dahil sa bagyong Dante. 

Aabot sa 100 na sasakyan, kabilang ang ilang truck na magbibiyahe ng mga produkto pa-Mindoro at mga pribadong sasakyan ang mga stranded sa lugar. 

Aabot naman sa halos 70 pasaherong pauwi ng Mindoro ang na-stranded magmula noong sinuspinde ng Philippine Coast Guard ang biyahe ng mga barko. 

Ang pasaherong si Remilyn Ydel, nakisilong na lamang sa lumang tindahan habang hinihintay ang pagganda ng panahon. 

"Mahirap kasi andito po kami tapos tumutulo, pa wala po kami masyado maupuan dito,” ani Ydel. 

Daing naman nina Bingbing Adolfo, isang truck driver, na kapos ang kanilang budget.

"Ang hirap po. Medyo bitin po sa budget,” ayon sa isa sa mga stranded na si Viscare Padua. 

Ayon kay PCG Souhtern Tagalog District commander na si Tito Alvin Andal, sinisiguro nilang matugunan ang pangangailangan ng mga na-stranded. 

“Sinisiguro namin kung ano puwede ipaabot sa ating mga naistranded na pasahero kung nangangailangan sila ng assistance interns, hindi lang sa pagkain halimbawa: wala matutuluyan. Nagko-coordinate tayo sa local government unit gaya ng province ng Batangas,” ani Andal. 

Sa tala ng PCG - Southern Tagalog, aabot sa 325 pasahero at 116 rolling cargoes ang stranded sa Batangas, Marinduque, Mindoro provinces, Romblon Northern, at Southern Quezon. 

Nasa 25 barko naman ang pinagbawalan na bumiyahe.

Nagbigay na rin ng pagkain ang Batangas City Social Welfare Office sa mga stranded na pasahero. 

-- Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

KAUGNAY NA VIDEO: 

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.