PatrolPH

Bangkay ng COVID-19 patient saglit iniwang nakatengga sa bukas na nitso

ABS-CBN News

Posted at Jun 02 2021 07:23 PM

LEGAZPI CITY, Albay — Nabulaga nitong Martes ang mga residenteng malapit sa isang sementeryo sa lungsod na ito matapos nilang makita ang bangkay na nakabalot sa cadaver bag sa bukas na nitso.

Sa pag-imbestiga ng opisyal ng Barangay Bonot, pasado alas-3 ng hapon nang ihatid sa sementeryo ng isang funeral parlor ang bangkay.

Nang maipasok sa nitso, iniwan na lang umano ito sa sepulturero nang walang pasabi sa mga susunod na hakbang.

Pero nang malaman na positibo sa COVID-19 ang namatay, natakot ang sepulturero na si Arnel Gabion kaya ipinaabot niya muna ito sa barangay. Tinawagan niya rin ang pastor na nagbabasbas sa patay.

Paliwanag ng namamahala sa funeral parlor, hinihintay kasi nila ang desisyon ng pamilya kung ipapa-cremate ang bangkay o ililibing na lang. 

Dahil sa kakulangan sa pera, nagdesisyon umano ang pamilya na ipabilibing na lang ito kahit walang kabaong.

Pero makalipas ang ilang oras, nagdesisyon ulit na kumuha ng kabaong kaya agad namang binalikan ang bangkay sa sementeryo para ganap na ilibing.

Ayon kay Albay Provincial Sanitary Engineer William Sabater, wala namang nalabag na health protocol ang punerarya at ang ospital na pinagdalhan sa bangkay dahil nasunod naman daw ang tamang proseso sa paglibing dito.

—Ulat ni Jose Carretero

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.