ROMBLON, Romblon — Tumaob at lumubog ang isang pampasaherong bangka nitong Miyerkoles ng umaga sa karagatang sakop ng bayang ito sa gitna ng pananalasa ng Bagyong Dante.
Sakay ng MB Advijobe ang 6 na lalaking crew nang lumubog ito sa katubigan ng Sitio Recudo sa Barangay Alad.
Pawang taga-Simara Island ang mga sakay ng bangka.
Base sa report ng Romblon Municipal Police Station, nakatanggap sila ng tawag galing sa isang concerned citizen bandang alas-9 ng umaga ukol sa paglubog ng bangka.
Agad naman silang nakipag-ugnayan sa Philippine Coast Guard Romblon at Municipal Disaster Risk Reduction Office para magkasa ng rescue operation.
Pero dahil sa lakas ng alon at zero visibility dulot ng bagyo, hindi nila na-rescue agad ang mga sakay ng bangka.
Pero nailigtas ang mga ito pasado alas-10 ng umaga ng mga mangingisda sa nasabing barangay.
Kasalukuyang nagpapahinga ang 6 crew.
Ayon sa report ng pulis, papunta sana ang bangka sa bayan ng Corcuera nang magdesisyon silang tumabi muna at pumunta sa Barangay Alad, pero dahil sa lakas ng alon at hangin sa dagat ay tumaob ito.
Nag-anunsiyo na si Romblon Gov. Jose Riano na susunduin ng rescue boat ang mga residente ng Simara kapag bumuti na ang panahon.
Sa pinakahuling ulat ng Romblon provincial government nitong ala-1 ng hapon, umabot na sa higit 80 ang inilikas na indibidwal mula sa mga bayan ng Cajidiocan, San Agustin, at Looc.
Mayroon namang napaulat na 2 mangingisda na nawawala.
—Ulat ni Andrew Bernardo
KAUGNAY NA VIDEO
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPh, Tagalog news, balita, rehiyon, region, regional news, regional, Romblon, bangka, bangka tumaob, Bagyong Dante, Dante PH, weather, panahon