Transportasyon pahirapan, paputol-putol para sa ilang commuters

ABS-CBN News

Posted at Jun 02 2020 02:56 PM | Updated as of Jun 02 2020 08:39 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

(UPDATE) Idinaing ng ilang commuter ang patuloy na pahirapan at paputol-putol na pagbiyahe ngayong ikalawang araw ng general community quarantine sa Metro Manila.

Kasama rito ang mag-asawang sina Richmond at Krystalyn Laurel. Sa kanilang biyahe kasi mula Imus, Cavite hanggang Pasig, 4 na beses silang lumipat ng sasakyan para lang makarating sa Taft Avenue station ng MRT-3 sa Pasay.

"'Yong mga biyahe, hindi siya tuloy-tuloy kasi may mga ECQ (enhanced community quarantine) na lugar, pero nakayanan naman namin," ani Richmond sa panayam ng ABS-CBN News.

"May mga tao talagang matitigas ang ulo na hindi sila sumusunod sa social distancing. Nagsisiksikan 'pag parating ang sasakyan. Naghahabulan sila kung sino makakasakay," dagdag niya.

Dalawang oras naman ang pag-commute ng magkapatid na Analie at Ana Liza Bagatnan mula Dasmariñas hanggang Pasay pa lang, sakay ng tricycle, jeep at taxi.

Lilipad na kasi papuntang Koronadal si Analie kaya kinailangan nilang lumuwas para makalapit na sa Ninoy Aquino International Airport.

"Ine-expect talaga namin... Sabi ko 'kung walang magpapasakay sa atin, magwa-walk tayoi.' Hindi namin in-expect na tuloy-tuloy kami," ani Ana Liza.

Nakatiyempo ng taxi at tricycle ang mga nakatira malapit sa Taft Avenue Station pero may mga katulad ni Rose Ann Revale na napilitang lumakad pa rin.

"Nakakapagod po, mainit," ani Revale.

"Wala naman po tayo magagawa din," aniya.

Tinangkilik din ng mga commuter ang bus augmentation service sa Taft station, na dumeretso ng Ayala Avenue, Quezon Avenue at North Avenue stations.

May iba namang nagbakasakali sa EDSA na may dumaang libreng sakay na maihahatid sila nang mas malapit sa destinasyon nila.

Watch more in iWant or TFC.tv

LIBRENG SAKAY NG VALENZUELA

Sa Valenzuela City naman, umabot ng hanggang 2 oras bago makasakay ang ilang papasok ng trabaho, na umasa sa libreng sakay na handog ng lokal na pamahalaan ng lungsod.

Ang ilan sa mga naghintay ay nahilo dahil sa sobrang init kaya inalalayan ng mga traffic enforcer.

Kasama sa mga pumila si Precious Sumawang, na magpapahatid hanggang Monumento Station ng LRT-1, na sasakyan niya para makapasok sa pinagtatrabahuhan sa Maynila.

"Sana mas marami po [libreng sakay] para mas mabilis po ang pagpila namin," ani Sumawang.

Mahigpit na ipinatutupad ng traffic enforcers ang physical distancing sa mga libreng sakay at nagse-spray din ng alcohol sa kamay ng mga pasahero.

Watch more in iWant or TFC.tv

LIBRENG SAKAY NG QUEZON CITY

May libreng sakay ding alok ang lokal na pamahalaan ng Quezon City, na gagamit ng 14 bus.

Dalawa ang ruta ng mga bus: una ay mula Novaliches Bayan hanggang North Avenue Station ng MRT-3, at ang ikalawa ay mula SM Fairview hanggang North Avenue Station.

Mayroon namang 7 pick-up points sa kahabaan ng Commonwealth Avenue:

  •  Atherton / FCM
  •  Dona Carmen / Don Fabian (Wilcon)
  •  Litex
  •  Commonweath Market / Riverside
  •  Batasan
  •  Don Antonio
  •  Luzon / Tandang Sora (Puregold)

Sa mga papuntang Maynila, isang congressman mula Quezon City ang may alok na libreng sakay patungong Welcome Rotonda simula Miyerkoles. Magsisimula ito sa Commonwealth Market simula alas-6 ng umaga.

May biyahe din mula SM Fairview hanggang North Avenue at Commonwealth Market patungong MRT Kamuning Station.

Dalawampu't lima ang maisasakay para maipatupad ang social distancing, at pinagsusuot din ng personal protective equipment ang driver at konduktor.

 P2P BUSES SA BULACAN

Sa Bulacan, napansin ng mga operator ng mga point-to-point (P2P) bus na tumumal ngayong Martes ang mga sumasakay sa kanila.

Ang biyahe nila ay mula Malolos at Santa Maria sa Bulacan hanggang North Edsa sa Quezon City.

Karamihan sa mg pasahero ay lingguhan na lang kung pumasok o umuwi, ayon kay Romeo Caguin, operations manager ng P2P buses ng Precious Grace Transport Services.

-- Ulat nina Anjo Bagaoisan, Doland Castro, at Jeck Batallones, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.