Pulis sugatan sa banggaan sa QC

Arra Perez, ABS-CBN News

Posted at Jun 02 2020 01:13 AM

Isinugod sa ospital sa loob ng Camp Crame ang isang pulis na sakay ng motorsiklo matapos masugatan sa aksidente sa tapat ng isang mall sa Quezon Avenue, ayon sa Quezon City Disaster Risk Reduction and Management Office nitong Lunes. 

Kwento ng driver ng van, pa-U turn siya at papunta sana sa Timog Avenue pero dahil sa madulas na kalsada na bunsod naman ng ulan kaninang hapon, bumangga siya sa SUV at motorsiklong nasa harapan.

Sugatan ang pulis na sakay ng motorsiklo, habang nayupi ang bahagi ng van at SUV. 

Naalis na sa lugar ng pinangyarihan ang mga sasakyan pero nagdulot ito ng traffic buildup.

Iniimbestigahan na ng QC Traffic Sector ang aksidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.