PatrolPH

'Poor planning' ng gobyerno dapat sisihin sa kalbaryo ng commuters: senador

ABS-CBN News

Posted at Jun 02 2020 05:59 PM


MAYNILA — Isinisisi ng isang senador sa umano'y bara-barang paghahanda ang naging kalbaryo ng mga commuter noong mailipat sa general community quarantine (GCQ) ang Metro Manila noong Lunes. 

Noong Lunes kasi, sari-saring isyu sa trapiko at kawalan ng mga masasakyan ang bumulaga sa mga commuter, dahilan para maglakad ang marami dito nang ilang oras papunta sa kani-kanilang mga trabaho. 

Ayon kay Sen. Franklin Drilon, walang dapat na sisihin dito kung hindi ang umano'y kakulangan sa paghahanda ng Department of Transportation (DOTr).

"The chaos and the hardship that our commuters had to endure yesterday was a result of poor planning. It shows the lack of foresight and the insensitivity of the government to the true need of the poor. The DoTr could have done better. It cannot go on like this," ani Drilon. 

Bago mag-Hunyo 1, higit 2 buwan nawala ang public transportation bilang hakbang kontra sa pagkalat ng COVID-19. 

Pero sabi ng pamahalaan, kailangan nang ilagay sa mas maluwag na quarantine ang Metro Manila para muling buhayin ang natenggang ekonomiya.

Pero ani Drilon, sana daw ay inayos muna ng gobyerno ang mga patakaran para hindi naperwisyo ang ilang Pinoy. 

"If we are to revive the economy, then we have make sure that our workers get to their work without compromising their health and that of others. Let’s help our commuters," anang senador.

—Ulat ni Sherrie Ann Torres, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.