PatrolPH

Pagpasada ng modern jeepneys habang Metro Manila GCQ pinag-aaralan

ABS-CBN News

Posted at Jun 02 2020 02:20 PM

MAYNILA — Pinag-aaralan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) kung papayagan nilang pumasada ang mga modernong jeep para maalalayan ang ibang pampublikong transportasyon ngayong umarangkada na ang general community quarantine (GCQ) sa Kamaynilaan. 

Sa panayam ng Teleradyo, aminado si MMDA General Manager Jojo Garcia na sa kabila ng paglalagay ng mga bus augmentation unit ay hindi pa rin ito sapat para maserbisyuhan ang lahat ng ruta. 

“May mga request ngayon ng pag-aaral na kung hindi puwedeng pumasok ang bus, tinitingnan po namin kung puwedeng humingi ng special permit using modern jeep. Pero wala pa po 'yan,” ani Garcia. 

Paliwanag pa ni Garcia, ginagamit na ang mga naturang jeep sa mga lugar na matagal nang nasa GCQ kaya pinag-uusapan nila kung posible ito sa Metro Manila. 

Sa ngayon, mayroong 4 "augmented" bus stations ang EDSA para sa mga pasaherong nagbabalik-trabaho pero target nilang makapagpatayo ng 11 iba pa. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.