Mga OFW, inalukan ng trabaho sa 'Build, Build, Build' projects

Joyce Balancio, ABS-CBN News

Posted at Jun 02 2020 06:44 PM

MAYNILA - Nag-aalok ang Department of Transportation ng on-site training na may suweldo para sa mga overseas Filipino workers na nais magtrabaho sa mga "Build, Build, Build" projects ng gobyerno.

Ani Transportation Sec. Arthur Tugade, nakipag-ugnayan na ang kaniyang ahensiya sa mga contractor, at maging sa Department of Labor and Employment at Technical Education and Skills Development Authority, para sa proyektong ito.

"Itong on-site training ay ginagawa ho namin in close coordination not only with TESDA, with DOLE, but also with the contractor themselves na pumapayag ho sila na habang nagti-training, may sahod na iyan, at kung magka-training, ia-assimilate iyan sa project mismo," aniya.

Kung hindi man bagay ang ilang OFWs sa construction, sabi ni Labor Sec. Silvestre Bello, mayroong livelihood assistance ang DOLE na maaaring umabot sa P20,000 na pupwede magamit sa pagnenegosyo.

Maaari rin aniyang makautang ng hanggang P100,000 sa ilalim ng programa ng Department of Trade and Industry, habang ang Department of Agriculture ay mayroong hiwalay pa na financial assistance, ayon naman kay Presidential Spokesperson Harry Roque.

Una nang sinabi ni Bello na aabot sa 16,679 ang mga OFW na inaahasang uuwi sa bansa ngayong Hunyo.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.