Mahigit P600,000 halaga ng ilegal na droga nasabat sa Bacolod

Marty Go, ABS-CBN News

Posted at Jun 02 2020 02:58 AM

Mahigit sa P600,000 halaga ng ilegal na droga ang nasabat ng mga awtoridad sa magkakahiwalay na buy-bust operation sa Bacolod City nitong Linggo.

Nahuli sa Araneta St., Barangay Singcang-Airport ang dalawang drug suspect na nakatakas umano sa naunang buy-bust operation sa Bredco Port, Barangay 2.

Ayon sa pulis, nakuha sa mga suspect na sina alyas Quad at alyas Pao Pao ang shabu na tinatayang may bigat na 15 gramo at nagkakahalaga ng P212,000.

May nabawi rin umano na improvised tooter at nakuhanan din sila ng isang .38 caliber revolver na may dalawang bala.

Bago pa man nakatakas sina alyas Quad at alyas Pao Pao, una nang naaresto sina alyas Elman na subject ng operation at tinuturing na high-value target at isang alyas Bogs.

Mula sa Barangay Estefania ang dalawa at nakuhanan ng 31 gramo ng ilegal na droga na nagkakahalaga ng P443,000.

Nakuhanan din sila ng isang improvised tooter, weighing scale, at 30 pirasong pekeng P100 bills na nagsilbing boodle money.

Ayon sa mga awtoridad, may iba pang kasamahan ang mga suspect.

Hinahanda ng pulis ang kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act laban sa apat.

May dagdag na kasong illegal possession of firearms din na haharapin si alyas Quad.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.