Liquor ban sa Maynila mananatili sa ilalim ng GCQ

Johnson Manabat, ABS-CBN News

Posted at Jun 02 2020 03:03 PM | Updated as of Jun 02 2020 04:07 PM

MAYNILA — Mananatili pa rin sa Manila City ang liquor ban, sa kabila ng pagsasailalim sa general community quarantine (GCQ) sa Metro Manila, ayon kay Mayor Isko Moreno

Pinaalalahanan din ng alkalde ang mga negosyante sa Maynila na ang pagbebenta ng alak ay isa lamang "pribilehiyo."

Binalaan ni Moreno ang mga convenience store na nagbebenta ng alak sa gitna ng liquor ban: "Kapag nagtinda kayo ng alak na pansamantala naming pinagbabawal... isasara po namin kayo."

Maging ang mga grocery na magbebenta pa rin ng alak ay ipasasara din ng lungsod, ani Moreno

Una nang naglabas ng executive order si Moreno na nagbabawal sa distribusyon at pagbebenta ng ano mang uri ng alcoholic beverage sa Maynila dahil sa patuloy na banta ng COVID-19. 

Naniniwala ang alkalde na hindi ito ang kailangan nila sa ngayon kundi ang isang payapa at panatag na komunidad lalo't may pandemya. 

"Sana po maunawaan niyo po ako, tutal bisyo lang naman ito, ang hinihingi ko lang naman ay pansamantala," giit ni Moreno.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.