MAYNILA — Ilang mga pasahero ang na-stranded sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) noong Lunes dahil sa kalituhan umano kung puwede na bang lumipad ang domestic flights o hindi pa nang magpatupad ang pamahalaan ng general community quarantine (GCQ) sa Metro Manila.
Sa covered court ng isang baranggay malapit sa NAIA nagpalipas ng gabi ang nasa 60 pasahero mula sa Cavite at sa iba pang bahagi ng NCR.
Kasama na rito si Ronalyn Salinday na di mapigilang maiyak habang inaalala kung paano sila nag-ipon ng pera para sa masasakyan papuntang airport at para sa airline ticket, pero kalaunan ay kakanselahin lang pala ang flights.
"Hindi namin alam na ganun ang mararanasan namin," aniya.
"Wala pa nga kaming kinain... Gusto pa po namin makita 'yung pamilya namin... Hindi namin maintindihan kung bakit nagkakaganito sila ngayon," dagdag ni Salinday.
Nitong Martes ng hapon, inilipad na ang grupo sa pamamagitan ng "special repatriation flight."
Ang paliwanag ng Cebu Pacific, hindi agad sila nakakuha ng approval ng paglipad papuntang General Santos City o anumang domestic flight hanggang Lunes ng gabi kaya kinailangan nila itong ikansela.
"Alinsunod sa patakaran ng IATF (Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases), kailangan mo ng approval [nila] for any flight. We were not able to get an approval as of late last night kaya napilitan kami na ikansela muna ang flight for today," ani Charo Logarta-Lagamon, tagapagsalita ng airline.
NAGBAGONG PATAKARAN?
Biyernes ng gabi, Mayo 29, nag-anunsyo si Transportation Secretary Arthur Tugade na pinapayagan na ang paglipad sa mga lugar na GCQ papuntang GCQ, dahilan para mag-offer kinabukasan ang mga airline ng domestic flights.
Pero kalaunan, nagpalabas ng bagong abiso ang Civil Aeronautics Board (CAB).
"Talaga namang mahirap magsimula gaya niyan halos 3 buwan na tayong walang flight sa gitna ng maraming restriction ay ina-navigate mo lahat 'yan," paliwanag ni Carmelo Arcilla, executive director ng CAB.
Ang naging problema kasi, may mga LGU daw na hindi pa handang tumanggap ng domestic flights kaya pansamantalang ipinatigil muna ito ng IATF.
Kaya ang naging resolusyon nitong Martes, magbibigay ng listahan ang Civil Aviation Authority of the Philippines sa mga airline kung aling mga lugar ang puwede nang lumapag at kumuha ng mga pasahero.
Ang NAIA naman daw, isasaayos ang mga flight para hindi magkumpulan ang mga pasahero sa paliparan.
Paalala rin sa mga pasahero na kailangan hindi leisure o pasyal ang pakay kapag lilipad ng domestic flight.
Kailangan rin may dalang medical certificate mula sa City Health Office ng LGU bilang patunay na maayos ang kalusugan. Kailangan rin makakuha ng travel pass mula sa kanila.
Ang mga dokumentong ito ay kailangan maipakita pagdating sa paliparan.
Sa Miyerkoles, magtutuloy-tuloy na raw ang mga domestic flights sa NAIA.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPh, Tagalog news, balita, NAIA, flights, domestic flights, stranded passengers ,TV PATROL, TV PATROL TOP