‘Fare honesty box’, paraan ng contactless payment sa mga jeepney sa Iloilo

Cherry Palma, ABS-CBN News

Posted at Jun 02 2020 06:28 PM | Updated as of Jun 02 2020 06:39 PM

ILOILO CITY--Ilang mga pampasaherong jeepney na pumapasada sa lungsod na ito ang nagpapatupad na rin ng kanilang bersiyon ng contactless payment bilang hakbang laban sa pagkalat ng nakahahawang sakit na COVID-19.

Ayon kay Rogelio Agno, ikinatuwa niya ang iba't ibang paraang ginagawa ng mga jeepney para matiyak ang kaligtasan ng kanilang pasahero at isa na rito ay ang tinatawag na "fare honesty box."

Sabi ni Agno, isang empleyado ng Iloilo Provincial Capitol, ang kaniyang mga sinasakyang jeep na may rutang Baluarte at Calumpang sa distrito ng Molo araw-araw ay mga kahong gawa sa kahoy at may maliit na siwang kung saan doon ihuhulog ang pamahase sa halip na iabot pa ito sa driver.

Kailangan lang tiyakin na barya at sakto lang ang ibabayad dahil walang magsusukli.

Sa labas ng kahon ng isang jeep ay may paalalang nakalagay na "Be Honest."

Kuwento ni Agno, hindi lamang ito ang mga health protocol na ginagawa ng mga jeepney driver na naobserbahan niya.

Ang iba ay may foot bath pa at alcohol na kailangang gamitin ng mga pasahero bago umupo sa loob ng jeep.

May sign din na nakalagay sa likod ng upuan ng driver na nagpapaalang "No Mask, No Ride" policy. 

Meron na ring plastic barrier sa loob ng mga jeep.

Nagpapasalamat naman si Boyet Parcon, presidente ng Iloilo City Alliance of Jeepney Owners and Drivers Association, dahil masunurin sa safety protocols ang mga driver ng pampublikong sasakyan.

‘Fare honesty box’, paraan ng contactless payment sa mga jeepney sa Iloilo 1
‘Fare honesty box’, paraan ng contactless payment sa mga jeepney sa Iloilo 2
‘Fare honesty box’, paraan ng contactless payment sa mga jeepney sa Iloilo 3
‘Fare honesty box’, paraan ng contactless payment sa mga jeepney sa Iloilo 4