DTI: Huwag samantalahin ang presyo ng laptop, bisikleta ngayong lockdown

ABS-CBN News

Posted at Jun 02 2020 04:05 PM

MAYNILA - Nakiusap ang Department of Trade and Industry sa mga nagbebenta ng bisikleta at laptop na huwag samantalahin ang lockdown para taasan ang presyo ng mga naturang produkto. 

Ayon kay Trade Undersecretary Ruth Castelo, naiintindihan ng DTI na nais ng ilang negosyante na bumawi sa nalugi sa kanila nitong higit dalawang buwan na naghigpit sa community quarantine, pero hindi aniya ito dahilan para itaas ang presyo ng mga nasabing produkto. 

Sakaling may napag-alamang tinaasan nang husto ang presyo ng mga produkto ay maaaring makipag-ugnayan sa kanilang tanggapan. 

"Kung may bahagyang increase na gagawin ng mga nagbebenta, ireport po nila sa amin at we will see kung unreasonable po ba ang increase nila then we will take action. Itawag po nila sa DTI number 1384 that is our consumer hotline [and sa] [email protected] email address,” ani Castelo. 

Matatandaang tila tumaas ang demand sa mga bisikleta ngayon dahil sa limitasyon sa pampublikong transportasyon. 

Tumaas din ang demand maging sa laptops at computers dahil sa alternative work arrangements at sa inaasahang blended learning na ipatutupad ng Department of Education na ipapatupad sa susunod na school year. 

— Ulat ni Joyce Balancio, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.