ALAMIN: Mga probisyon ng kontrobersiyal na 'anti-terrorism bill'

ABS-CBN News

Posted at Jun 02 2020 06:29 PM | Updated as of Jun 02 2020 07:54 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Ihahabol ng Kamara na ipasa bago mag-break ang panukalang anti-terrorism law na sinimulang pagdebatehan sa plenaryo nitong Martes. 

Noong Biyernes lang inaprubahan ng House committees on national defense and security at public order and safety ang substitute bills ng panukalang anti-terrorism law, na halos wala raw pinagkaiba sa aprubadong bersyon ng Senado.

Pero ayon sa isa sa mga may akda nito, 7 taon nang nakabinbin ito sa Kongreso.

"Malaking bagay na na-certify ng Pangulo na urgent ang ating panukalang batas," ani PBA Party-list Rep. Jericho Nograles. 

Sa ilalim ng House Bill 6875, mas maliwanag ang pakahulugan at mga elemento ng krimen ng terorismo. Sakop din ang terorismo sa labas ng bansa.

Pero protektado raw nito ang lehitimong paggamit sa kalayaang mamahayag at magtipon-tipon.

Puwede ring kasuhan ang pagpaplano at paghahanda na maghasik ng terorismo.

Pinalalawig rin ang panahong puwedeng manmanan ang hinihinalang terorista basta may basbas ng korte.

Tanggal ang P500,000 multa kada araw sa maling pagkulong at pag-freeze ng assets.

Pero ang pinakakontrobersyal dito ay puwedeng makulong ang hinihinalang terorista nang hanggang 14 araw nang walang kaso.

"Ang provision na ito sa ating Constitution pasok lang sa panahon na suspended ang writ of habeas corpus," paliwanag ni Nograles. 

Tiniyak naman ni Nograles na may safeguards ang probisyong ito.

Tiniyak rin ng Palasyo na walang pinagkaiba ang panukalang batas na ito sa batas ng ibang bansa.

"So wala naman pong draconian na provision dyan, lahat po ng provision dyan ibinase rin natin sa mga batas ng iba’t-ibang bansa na mas epektibo po ang kanilang pagtrato sa mga terorista," ani Presidential Spokesperson Harry Roque. 

BATIKOS 

Umalma naman ang ilang grupo at mga netizen sa paglusot sa Kongreso ng naturang panukala dahil pinangangambahan nilang magamit ito laban sa kritiko ng administrasyon. 

Para sa grupong Concerned Lawyers for Civil Liberties, walang sapat na pangontra ang panukala laban sa pang-aabuso ng batas. 
    
Pinalawak din daw ang kahulugan ng terorismo at inaagaw umano ng ehekutibo ang kapangyarihan ng mga korte

"The danger therein lies with how the government can construe legitimate acts of dissent or opposition within these definitions – it gives the government almost free reign in determining who are suspected terrorists. Even ordinary citizens airing their grievances against government on social media may fall within its ambit," anang grupo. 

Kahit ipapaalam sa korte ang surveillance ng hinihinalang terorista, mauuna muna silang makulong bago maipaalam ang mga hakbang laban sa kanila. 

"The courts are required to be informed of such surveillance, but only upon filing of charges before the prosecutor. In short, subjects of surveillance and suspected persons will have already been hauled to jail before they are made aware of actions against them," pangamba nila.

Pati ang abogadong si Chel Diokno, nabubulabog sa panukalang batas. 

"Kasama ito sa tinatawag naming weaponization of the law na ginagamit iyong batas para habulin ang mga kritiko ng administrasyon imbes na iyong mga tunay na kriminal," ani Diokno. —Ulat nina Willard Cheng at RG Cruz, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.