2 preso sa Maynila na positibo sa COVID-19, nahuli ulit matapos makatakas

ABS-CBN News

Posted at Jun 02 2020 11:05 AM | Updated as of Jun 02 2020 07:38 PM

MAYNILA (UPDATE) --Tumakas ang 2 inmate na nagpositibo sa COVID-19 mula sa isang quarantine center sa Maynila, pero nahuli ulit sila matapos ang ilang oras, pahayag ng pulisya nitong Martes.

Ang mga tumakas ay mga inmate ng Manila Police District Station 6 at naka-quarantine sa Delpan Evacuation Center, ayon kay MPD Chief Police Brig. Gen. Rolly Miranda.

Ayon kay Police Brig. Gen. Rolly Miranda, direktor ng MPD, natunton ng pulisya ang isa sa mga preso sa kaniyang pamilya sa Barangay 781, na noong una ay ayaw pang isuko sa pulisya.

Subalit nang sabihin sa kanila na nagpositibo sa COVID-19 ang mga pugante, ay agad nilang isinuko ito sa pulis.

Ang isa naman ay inabutan ng pulisya sa Dagonoy Street sa Brgy. 767 at agad inaresto.

Ayon kay Miranda, agad niyang inutos na isailalim din sa quarantine ang mga pulis na umaresto sa dalawa.

Maging ang kaanak ng isang lalaking tumakas ay inirekomendang i-quarantine na rin dahil nakasalamuha nila ang COVID-19 positive na kamag-anak.

Ibabalik din ang dalawang tumakas sa quarantine facility para ituloy ang kanilang isolation hanggang sila ay mag-recover.

Ayon kay Miranda, kapag natapos ng dalawang pugante ang quarantine, ay ibabalik sila sa kulungan dahil sa may mga kriminal na kasong kinakaharap.

Kabilang sila sa mga detainee ng Santa Ana Police Station na nagpositibo sa COVID-19 noong Mayo 14 kaya sila inilipat sa Delpan. --Ulat nina Dexter Ganibe at Johnson Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.