2 patay, 5 arestado sa drug bust sa Cotabato City

ABS-CBN News

Posted at Jun 02 2020 02:00 PM

Bukod sa 2 napatay na suspek, 5 iba pa ang naaresto ng mga awtoridad sa buy-bust operation sa Cotabato City noong Sabado. Retrato mula sa PDEA-BARMM.

Patay ang 2 taong itinuturing na high-value target sa buy-bust operation sa Cotabato City, ayon sa mga awtoridad.

Ikinasa ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Bangsamoro region, Cotabato City police, at Philippine Marines ang operasyon noong hapon ng Sabado sa may Barangay Rosary Heights 6.

Naaresto rin ang 5 lalaki sa bahay kung saan nangyari ang operasyon, na pinaghihinalaang drug den. Isa sa mga nahuli ay nasa drugs watch-list ng PDEA.

Halos isang taon nakasailalim sa surveillance ng mga awtoridad ang mga suspek, ayon kay Juvenal Azurin, direktor ng PDEA sa Bangsamoro region.

Pero sa gitna ng operasyon, tinangka umano ng mga suspek na bumunot ng baril kaya nabaril ng mga awtoridad, ani Azurin.

Nasamsam sa operasyon ang 5 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalagang P136,000, drug paraphernalia, at kalibre .45 na baril.

Kinasuhan ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang mga naaresto, na ngayo'y nasa detention cell ng PDEA.

-- Ulat ni Lore Mae Andong, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.