Pagkuha ng visa sa South Korea mas papadaliin

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Jun 02 2019 02:37 PM | Updated as of Jun 03 2019 10:54 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — (UPDATE) Mas papadaliin na ng South Korea ang proseso ng pagkuha ng visa para sa mga Pilipinong nais bumisita doon.

Ito ay kasabay ng pagpapa-igting sa ugnayan ng dalawang bansa, na ngayon ay ginugunita ang ika-70 anibersaryo mula nang magsimula ang pagkakaibigan noong 1949. 

Sa panahong sikat na sikat ang K-pop, K-drama, at iba pang kultura ng Korea, lalong nahuhumaling ang mga Pinoy na bumisita sa naturang bansa. 

Kaya sabi ni Korean Ambassador to the Philippines Han Dong-Man, mas padadaliin nila ang proseso para makapunta ang mga Pinoy sa kanilang bansa. 

"I think there are many potentials to increase tourism... So I asked my staff in charge of visa to simplify or to facilitiate these process so that more Filipinos will be able to visit Korea," aniya. 

Sa travel agency na ang pag-a-apply imbes na pumila pa sa Embassy at may express visa processing na rin.

Bukod pa diyan, proof of employment na lang ang kailangang ipasa ng mga kuwalipikadong propesyonal mula sa piling nasa top 100 companies at proof of enrollment sa mag-aaral ng top 10 universities.

Nilinaw ng embahada na iba-iba ang mga requirement depende sa nag-aapply para sa visa. Makikita ang mga kailangang dokumento sa kanilang website

Naging eligible na rin para sa 10-year multiple entry visa ang mga propesyonal gaya ng mga abogado, manggagamot at matataas na opisyal ng gobyerno.

Dodoblehin din ang bubuksang scholarship para sa mga Pinoy na gustong mag-aral sa Korea.

Magdadala naman ang Korean Embassy ng mas maraming Koreanong turista sa Pilipinas.
    
"Koreans love the Filipinos and the Philippines, that is why last year 1.46 million Koreans visited this wonderful country... I made a promise to President [Rodrigo] Duterte to bring up to 2 million Korea tourists," sabi ni Han.

Layon ng mga palitang ito na matuto pa ang mga Pinoy at Koreano sa isa't isa, at lalong mapatagal ang samahan ng dalawang lahi at kultura.

—Ulat ni Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.