7 preso, pumuga mula sa istasyon ng pulis sa Antipolo

Kevin Manalo, ABS-CBN News

Posted at Jun 02 2019 09:58 PM

MAYNILA - Pitong preso ang pumuga mula sa Police Community Precint 2 ng Antipolo Police sa Marcos Highway, Barangay Dela Paz sa Antipolo City Linggo ng madaling araw.

Kinilala ang mga tumakas na sina Dominic Gabanez, may kasong carnapping; Adrian Demetrio, paglabag sa Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act); Russel Martinez, kasong robbery; Angelo Roberto, paglabag sa Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act); Murphy Sison, kasong robbery; Benedict Belmonte, kasong robbery; at Edward Magalo, paglabag sa Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act).

Sa inisyal na imbestigasyon, ililipat sana sa bagong piitan ang pito pero doon pa lang sa lumang piitan ay tumakas na sila. Nilagari umano ng mga lalaki ang iron bar ng kanilang detention cell at saka tumakas. Pero sa pakikipagtulungan ng mga kaanak, agad naaresto si Magalo at hawak na ng mga pulis.

Agad namang ni-relieve sa pwesto ang duty jailer at ang PCP2 commander dahil sa insidente. 

Nagpapatuloy pa hanggang ngayon ang manhunt sa mga nakatakas na preso.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.