3 patay sa salpukan ng motorsiklo at fish car sa GenSan

Jay Dayupay, ABS-CBN News

Posted at Jun 02 2019 08:05 PM

GENERAL SANTOS CITY - Tatlo ang patay sa salpukan ng isang motorsiklo at isang fish car sa Barangay Tambler, General Santos City Linggo ng umaga.

Dead on arrival sa Dr. Jorge P. Royeca Hospital ang drayber ng motorsiklo na si Sangkupan Usman. Binawian naman ng buhay sa ospital ang dalawa niyang angkas na sina Alex Alutaya at Belen Angka.

Sa imbestigasyon ng traffic management unit, lumalabas na papuntang fishport ang fish car na minamaneho ng isang Leandro Olivar Acosta IV at papunta namang city proper ang motorsiklo.

“Kapag maulan dapat magdahan-dahan lang kasi madulas ang kalsada lalo na ang aspalto”, pahayag ni Police Staff Sergeant Limuel Aves ng GenSan Traffic Management Unit.

Pumreno umano si Acosta sa aspaltadong bahagi ng highway pero bigla na lang umano siyang nawalan ng kontrol at napunta sa lane ng motorsiklo.

“40 lang man ang takbo ko, pero pagdating sa may aspalto parang na-slide ang fish car tapos 'di ko na makaya, nabangga na namin sila”, pahayag ni Acosta.

Nasa kustodiya na ngayon ng GenSan TMU si Acosta na nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting to multiple homicide and damage to properties.

Tumanggi nang magbigay ng pahayag ang pamilya ng mga biktima.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.