2 babaeng pa-Saudi hinarang sa NAIA dahil sa pamemeke ng edad

ABS-CBN News

Posted at Jun 02 2019 11:50 AM | Updated as of Jun 02 2019 06:22 PM

MAYNILA — Dalawang babaeng hinihinalang biktima ng human trafficking ang naharang sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) noong Miyerkoles dahil sa pamemeke ng kanilang edad. 

Ayon kay Bureau of Immigration (BI) Port Operations Division chief Grifton Medina, papunta sana ang dalawa sa Jeddah, Saudi Arabia para magtrabaho bilang mga household service workers.

Ayon naman kay BI-NAIA Travel Control and Enforcement Unit head Glenn Ford Comia, lehitimo ang iprinesentang mga dokumento ng dalawa pero nagduda ang mga taga-Immigration sa naging kilos ng mga ito. 

"Their passports and other documents, although valid, were fraudulent acquired as it contained falsified dates of births," ayon naman kay Comia. 

Natuklasan na 15 anyos lang pala ang isang babae habang 20 naman ang isa pa. Sa ilalim ng patakaran, ang mga 23 anyos pataas lang ang maaaring ma-deploy bilang domestic worker sa Middle East. 

Nababahala naman ni Immigration commissioner Jaime Morente dahil pabata umano nang pabata ang nabibiktima ng human trafficking.
 
"The victims are getting younger and younger... We reiterate our warning to those who want to work abroad: do not fall for these illegal schemes," ani Morente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.