LPA sa Palawan lumabas na ng PAR: PAGASA

ABS-CBN News

Posted at Jun 02 2018 11:02 AM

MAYNILA – Lumabas na ng Philippine Area of Responsibility (PAR) Sabado ng umaga ang isa sa dalawang low pressure area (LPA) na binabantayan ng PAGASA.

Ayon kay weather forecaster Meno Mendoza, may pag-ulan at maulap na panahon pa rin na aasahan sa ilang bahagi ng bansa.

“Kahit po nakalabas na sa PAR 'yung isang LPA, magdudulot pa rin ng kalat-kalat na pag-ulan dito po sa Mindoro provinces,” ayon kay Mendoza sa panayam ng DZMM.

Sa Palawan at ibang bahagi ng Visayas at Mindanao ay patuloy pa ring makararanas ng maulap na kalangitan, kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms na dulot pa rin ng intertropical convergence zone (ITCZ).

Patuloy namang mino-monitor ng PAGASA ang natitirang LPA sa bansa na namataan sa layong 580 kilometers silangan ng Hinatuan, Surigao del Sur. Nakapaloob rin ang naturang LPA sa ITCZ.

“Magkakaroon po tayo ng maulap na kalangitan na may katamtaman na kung minsan ay may malakas na pag-ulan at thunderstorms sa eastern Visayas, Caraga at Davao Region,” sabi ni Mendoza.

Makararanas naman ng maaliwalas na panahon ang Metro Manila at nalalabing bahagi ng Luzon na may posibilidad ng panandaliang pagbuhos ng ulan na dulot pa rin ng localized thunderstorm.

“Pinapaalalahanan natin ang ating mga kababayan sa Visayas at Mindanao na mag-ingat pa rin po sa posibleng pagkakaroon ng mga pagbaha at pagguho ng lupa dahil sa mga pag-ulan,” dagdag ni Mendoza.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.