'Kotong' cop, arestado sa Basilan

ABS-CBN News

Posted at Jun 02 2018 12:17 AM

ZAMBOANGA CITY - Arestado ang isang pulis matapos umanong mangikil sa mga cargo shipper sa Isabela City, Basilan Biyernes ng hapon.

Kinilala ang pulis na si PO3 Basir Alam na nakatalaga sa PNP Maritime Group 9.

Ayon kay Senior Supt. Jose Chiquito Malayo, pinuno ng Counter Intelligence Task Force (CITF), naaresto nila si Alam sa ikinasang entrapment operation sa port area ng Isabela City.

Isang operatiba ang nagpanggap na cargo shipper at nag-abot ng pera kay Alam.

Ayon kay Malayo, kinokotongan ni Alam ang lahat ng mga cargo shipper bago makapasok sa piyer.

Umaabot sa P500 hanggang P1,000 ang hinihingi ni Alam sa kada cargo shipper.

Dagdag ni Malayo, hindi dapat nagbibigay ng pera ang mga cargo shipper sa mga pulis para lang makapasok ang kanilang mga sasakyan at legal na kargamento sa piyer.

Sasampahan ng kaukulang kasong kriminal at administratibo si Alam na nasa kustodiya ngayon ng CITF. - ulat ni RJ Rosalado, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.