Kakulangan sa palikuran, iniinda sa evacuation centers | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

News

Kakulangan sa palikuran, iniinda sa evacuation centers

Kakulangan sa palikuran, iniinda sa evacuation centers

ABS-CBN News

 | 

Updated Jun 03, 2017 12:10 AM PHT

Clipboard

Nangangailangan ng dagdag na palikuran sa mga evacuation center kung saan mahigit isang linggo nang nananatili ang mga lumikas mula sa Marawi City bunsod ng bakbakan sa pagitan ng puwersa ng pamahalaan at Maute group.

May palikuran naman ang mga evacuation center, iyon nga lang, kulang ito para sa napakaraming pamilyang tumutuloy roon ngayon.

Sa isang evacuation center, may portalet ngunit hindi ito pinapagamit hangga't hindi pa naaalis ang naipong dumi.

Problema rin nila ang kakulangan sa tubig.

Dumidiskarte na lamang ang ibang pamilya kapag kailangang dumumi o umihi ng kanilang mga anak.

Ayon sa evacuee na si Sadia Panungtungan, binabalot na lang nila sa cellophane ang dumi bago itapon.

ADVERTISEMENT

Iyon nga lang, hindi rin kalayuan sa mga 'bakwit' ang tapunan ng dumi ng tao. Trapal nga lang ang naghihiwalay sa evacuees at sa tambakan ng basura.

Minabuti naman ng munisipyo na maghukay muna bilang pansamantalang palikuran ng mga evacuee.

Mga bakwit, nagkakasakit na

Sa tala ng Department of Health, umabot na sa 700 ang nagkasakit sa 25 evacuation centers sa Mindanao.

Acute upper respiratory tract infection, sakit ng ulo, pagkahilo, skin diseases, at hypertension ang karaniwang karamdaman ng evacuees.

Sa iba pang evacuation center, nagkakasakit na ang ilang bata.

Ayon kay Dr. Ma. Yvonne Estose ng Iligan City Health Office, karaniwang inuubo, sinisipon, may diarrhea, at ilang respiratory illness ang mga batang 'bakwit.'

Nailigtas naman sa peligro, sa tulong ng lokal na pamhalaan, ang isang bagong silang na sanggol matapos ipanganak sa bahay sa kasagsagan ng bakbakan.

Ayon sa ina ng sanggol, napilitan siyang manganak sa bahay dahil pinasok na ng Maute ang Amai Pakpak Hospital sa Marawi.

May iba namang 'bakwit' na pinili pang magsilbi sa kapwa kaysa manghingi ng tulong.

Ang bakwit na si Samerah Tocalo, boluntaryong tumulong sa mga kababayang apektado ng bakbakan kahit biktima rin siya ng gulo.

Patuloy naman ang pagpapadala ng tulong ng iba't ibang grupo sa mga naapektuhan ng kaguluhan.

Maging mga OFW sa Amerika, lumilikom din ng mga puwedeng ipamahagi sa mga lumikas.

17 Indonesian na naipit sa bakbakan, nailigtas

Labimpitong Indonesian na na-trap dahil sa bakbakan sa Marawi ang na-rescue ng kanilang embahada sa tulong ng Armed Forces of the Philippines (AFP).

Mga miyembro sila ng Jamaah Tabligh, isang Islamic Missionary Movement na pumupunta sa isang lugar at nanatili roon ng apat na buwan para magturo.

Kahapon, nakuha na sila ng mga kawani ng Indonesian government matapos payagang dumaan sa conflict area.

Sa tuwa, napayakap sila sa mga sundalong Pilipino na kasamang sumundo sa kanila.

Kuwento ng ilan sa mga nailigtas, nagtago ang mga Indonesian sa mga mosque at tinulungan ng mga residente.

Bago umalis, nag-alay muna sila ng dasal kasama ang mga residente.

Hindi naman napigilan ng iba na maiyak dahil sa dinanas.

Ilang araw pinilit ng Indonesian foreign ministry na masaklolohan sila ngunit naantala dahil sa matinding bakbakan sa Marawi.

Siniguro muna ng Indonesian government na magiging ligtas ang evacuation.

Wanted na Indonesian

Samantala, nitong nakaraang linggo, naglabas ang Philippine National Police Region 10 ng wanted poster para sa apat na Indonesian.

Batay sa impormasyong nakuha ng PNP mula sa police consul ng Davao, posibleng umanib ang ilan sa kanila sa Maute group na nakikipaglaban ngayon sa Marawi city.

Pumunta rin daw ang ilan sa kanila sa Butig, Lanao del Sur at hindi na umalis.

Nauna nang kinumpirma ng gobyerno na may mga kasabwat na dayuhan ang Maute group.

Sa ngayon, tiniyak ng parehong gobyerno ng Pilipinas at Indonesia na na-verify nila ang bawat isang Indonesian na nailigtas.

Bumiyahe na pa-Davao city ang mga nailigtas para sa napipintong pagbalik nila sa Indonesia.

Presyo ng mga pangunahing bilihin, tumaas

Ayon sa Provincial Crisis Management Committee, umakyat na sa mahigit 220,000 ang apektadong residente.

Pero ayon sa lokal na pamahalaan, may mga negosyanteng sinasamantala ang krisis at dinodoble ang mga presyo lalo na sa bigas.

Ayon sa tagapagsalita ng Provincial Crisis Management Committee na si Zia Alonto Adiong Jr., tumaas na nang hanggang P6,000 ang presyo kada sako ng bigas mula sa dating P2,000.

Posibleng magkaroon ng kakulangan sa relief goods kung hindi ito mareresolba kaagad.

Kaya nananawagan ang lokal na pamahalaan sa Department of Trade and Industry na i-monitor at i-regulate ang presyo ng mga produkto lalo na sa mga bayang katabi ng Marawi.

-- Ulat nina Raphael Bosano, Jeff Canoy, at Ron Gagalac, ABS-CBN News

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

ABS-CBN is the leading media and entertainment company in the Philippines, offering quality content across TV, radio, digital, and film. Committed to public service and promoting Filipino values, ABS-CBN continues to inspire and connect audiences worldwide.

© 2025 ABS-CBN Corporation. All Rights Reserved.

© 2025 ABS-CBN Corporation. All Rights Reserved.