Bubusisiin: Pagpasok ng gunman, paglabas ng mga tao sa 'Resorts'

ABS-CBN News

Posted at Jun 02 2017 07:09 PM | Updated as of Jun 02 2017 11:19 PM

Seguridad sa NAIA, pinaigting; Ilang bansa, nagbabala sa pagbiyahe sa Pilipinas

Paanong nakapasok ang isang armadong lalaki sa casino hotel? Bakit hindi nakalabas ang mga tao? 

Ilan ito sa mga tanong na naiwang nakabinbin matapos ang mga putok at usok sa inatake, pinagbabaril, at sinunog na Resorts World Manila, kung saan higit tatlong dosenang tao ang namatay mula sa suffocation sa usok na umano'y inumpisahan ng gunman na nasunog at hindi na makilala. 

Bubusisiin ng Philippine National Police Supervisory Office for Security and Investigation Agencies (PNP-SOSIA) kung paanong nalusutan ng gunman ang dapat ay napakahigpit na seguridad ng Resorts World Manila. Sisiyasatin din ang testimonya ng ilang panauhin ng hotel-casino na umano’y hindi maayos ang pagpapalikas sa mga nasa loob ng lugar.

Binigyan lang ng 24 oras o isang buong araw ang pamunuan ng RWM para isumite ang kanilang report sa PNP-SOSIA.

Ayon sa pulisya, tatlo ang security provider ng RWM. Ipatatawag ang buong security team, kabilang na ang mga guwardiyang naka-duty, nang lusubin ng gunman ang hotel-casino.

Antemanong gustong malaman ng PNP-SOSIA, paanong nakapagpapasok ng baril ang gunman? Kung nabigla man daw ang mga guwardiya, hindi pa rin daw iyon dahilan para wala nang magawa ang mga security personnel lalo't may nakalatag na planong panseguridad ang establisyimento.

Tila hindi rin daw maayos na na-evacuate ang mga tao sa loob. Base sa mga panayam sa ilang naipit sa loob, walang gumabay sa mga panauhin para ligtas na makalabas ng gusali.

Kung makikitaan ng kakulangan ang security provider, maaaring tanggalan ito ng lisensiya pati na rin ang kanilang mga guwardiya.

Ayon sa pulisya, magiging basehan ang nangyari sa RWM para repasuhin ang security management ng mga establisyemento. 

Seguridad sa NAIA, pinaigting kasunod ng pag-atake

Mahigpit ang seguridad sa buong compound ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) kasunod ng pag-atake sa kalapit na RWM at dahil na rin sa nagpapatuloy na bakbakan sa Marawi.

Bago magtanghali kanina, ipinatupad ang security level 3 sa buong paliparan. Ibig sabihin, lalo pang hinigpitan ang pagpasok sa NAIA.

Pinaigting ang inspeksiyon sa mga pumapasok na sasakyan. Masinsin din ang screening sa mga pasaherong may flights. Kailangang tanggalin maging ang sinturon at sapatos kapag dumadaan sa metal detector, kahit pa dati nama’y puwedeng hindi na alisin sa katawan ang mga nasabing gamit.

Nag-abiso na ang Philippine Airlines at Cebu Pacific sa mga pasahero na lalong agahan pa ang pagpunta sa airport dahil posibleng matagalan bago makapasok sa terminal sa higpit ng seguridad.

Puwede naman daw i-rebook o i-refund ang pasahe sa naantalang flights.

Ayon naman sa Manila International Airport Authority, walang apektadong flight.

Ilang bansa, nagbabala sa mga bibisita sa Pinas

Agad namang pinag-ingat ng mga embahada ng Amerika, Australia, at United Kingdom ang mga mamamayan nila kasunod ng insidente sa RWM na tinawag na isang terrorist attack ni U.S. President Donald Trump.

Sa abisong inilabas ng U.S. Embassy, pinag-iingat ang mga mamamayan ng Amerika, at sinasabihang maging listo sa mga mangyayari at laging i-monitor ang balita.

Sinabihan naman ng embahada ng United Kingdom ang mamamayan nito na iwasan ang lugar ng RWM.

Gayundin ang Australia na nagpayong paigtingin ang pag-iingat sa bansa. Mataas anila ang banta ng terorismo rito. May banta rin daw ng kidnapping sa Zamboanga at Sulu at inabisuhan ang Australian national na huwag bumiyahe sa mga nasabing lugar. Maaari rin umanong maging target ang mga turista sa Southern Palawan, Southern Negros at Siquijor. 

Ayon sa South Korean Foreign Ministry, isang South Korean ang namatay sa casino, maaaring dahil sa sakit sa puso. Tatlong iba pa ang sugatan. 

-- Ulat nina Maan Macapagal, Jacque Manabat, at Willard Cheng, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.