MOSCOW - Isusulong ng Philippine Space Agency (PhilSA) ang isang inter-governmental cooperation agreement sa Roscosmos, ang Russian Space Agency.
Layon ng ugnayan na makasagap ng best practices ang PhilSA at mapagtibay ang information exchange at capacity building ng dalawang ahensyang pangkalawakan.
Image courtesy of Philippine Space Agency (kaliwa) Image courtesy of Roscosmos (kanan)
Inihayag ng PhilSA at Philippine Embassy sa Moscow ang napipintong kooperasyon ng dalawang bansa sa mismong Cosmonautics Day ng Russian Federation noong April 12.
Matatandaang ang dating Unyong Sobyet ang nanguna sa human space exploration noong April 12, 1961, sa unang manned spaceflight ni Cosmonaut Yuri Gagarin. Ang spaceflight din ni Gagarin ang unang orbital flight o unang nakalibot sa buong mundo.
Sa kanyang talumpati, pinasalamatan ni Russian President Vladimir Putin ang kanilang mga cosmonaut at mga bumubuo ng Russian aerospace industry sa kanilang pagsusumikap at mga nakamit na tagumpay.
Bilang pakikiisa sa pagdiriwang ng Cosmonautics Day, dumalo ang mga kinatawan ng Philippine Embassy sa Moscow sa advance screening ng Vyzov “The Call”, ang unang feature-length fiction film na kinunan ng Russian filmmakers sa International Space Station (ISS).
Noong October 5, 2021, lumipad patungong kalawakan ang Russian film crew lulan ng Soyuz MS-19 manned spacecraft upang simulan ang film project.
Mga artista na naging cosmonauts: ang cast at crew ng ‘Vyzov’, nag-commercial premiere ang pelikula noong April 20 sa Moscow. (Moscow PE/ Roscosmos)
Sumailalim sa matinding training sa Baikonur Cosmodrome sa Kazakhstan ang mga gumanap na artista. Umabot ng 12 araw ang filming sa kalawakan.
Ang Philippine Space Agency ang isa sa pinakabagong space agency sa buong mundo. Binuo ang ahensya sa pamamagitan ng Republic Act no. 11363 (Philippine Space Act). Pormal na nagbukas ang ahensya noong August 8, 2019 sa ilalim ng Office of the President.
Ang Roscosmos naman ay isa sa pinakamatandang space agency sa buong mundo na nag-ugat pa sa Soviet space program noong 1950s.
Para sa mga nagbabagang mga balita tungkol sa ating mga kababayan sa Russian Federation, tumutok sa TFC News sa TV Patrol.