PatrolPH

2 arestado sa pagdukot sa kapuwa Chinese sa Laguna

Jeff Caparas, ABS-CBN News

Posted at Jun 01 2023 04:00 PM

Naaresto noong Miyerkoles sa Santa Rosa, Laguna ang 2 lalaking Chinese na dawit umano sa pagdukot sa isang babaeng Chinese.

Pasado alas-10 ng umaga nang magulat ang residente ng isang subdivision sa Barangay Malitlit matapos makita ang isang babaeng walang saplot, nakaposas, gumagapang at humihingi ng tulong.

Ayon kay Lt. Col. Dwight Fonte, hepe ng Santa Rosa police, nakatakas ang babae sa mga kidnapper.

"Nakatalon [siya] ng second floor ng bahay, sa terrace. SUmabot ang kaniyang hita sa bakal na bakod [kaya] may sugat siya doon then fracture[d] kaniyang balakang," ani Fonte.

Napansin umano ng residente ang isang lalaking humahabol sa biktima, kaya agad siyang humingi ng tulong sa mga kapitbahay at pulis.

"In their attempt to escape, hinabol sila ng mga marshall ng subdivision and then nakaresponde naman pulis natin, naaresto itong 2 suspek natin," ani Fonte.

Lumalabas sa imbestigasyon na dinukot ng mga suspek ang biktima noong Lunes sa parking lot ng Parañaque Integrated Terminal Exchange.

Inabuso at ninakawan pa ng mga suspek ang biktima, ayon sa pulisya.

"May student visa siya (bitkima) tapos accordingly, mga pera niya sa bank account niya, pina-transfer doon sa bank account through online banking doon sa account ng mga suspect," ani Fonte.

"Then nag-video call mga suspek sa kaniyang mga kaibigan at kamag-anak sa China, humingi ng pera amounting to P10 million," dagdag niya.

Nakumpiska sa mga suspek ang isang baril, mga bala at personal na gamit.

Nagpapagaling naman ang babaeng biktima sa ospital.

Mahaharap ang mga suspek sa kasong kidnapping, robbery, rape at illegal possession of firearms.

FROM THE ARCHIVES

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.