PatrolPH

BIR employee tiklo sa umano'y pangingikil sa Zamboanga

ABS-CBN News

Posted at Jun 01 2022 02:33 PM

MAYNILA—Sa kulungan ang bagsak ng isang babaeng empleyado ng Bureau of Internal Revenue matapos magtangkang mangikil umano ng isang negosyante sa Zamboanga City.

Batay sa paunang ulat mula sa National Bureau of Investigation,
nagtatrabaho bilang revenue officer ng BIR sa Zamboanga ang suspek, na si "Flora."

Nagsagawa ng operasyon ang NBI laban sa suspek matapos dumulog sa kanilang tanggapan ang babaeng biktima, na isang negosyante at may-ari ng isang panaderia at grocery store sa Zamboanga.

Ayon sa kanyang salaysay, nakatanggap siya ng notice of discrepancy noong April 20, kung saang nakasaad na may internal tax liabilities siya na higit P30 milyon noong 2020. 

Nang pumunta sa BIR office ang biktima ay agad syang pinagbabayad ng P1 milyon ng suspek. Kapag hindi aniya siya nagbayad ay dadalhin ang kaniyang kaso sa regional office kung saang mapipilitan aniya siyang magbayad ng multa na aabot sa P30 milyon at hindi rin niya magagalaw ang kaniyang mga assets.

Dahil sa takot ay nagbayad ng P500,000 agad ang biktima pero makalipas ang ilang araw ay paulit-ulit pa rin aniya siyang tinatawagan ng suspek para sa natitirang kalahating milyon na hindi pa niya nababayaran.

Doon na nagkasa ng entrapment operasyon ang NBI at kalaunan ay nahuli ang suspek.

Mahaharap ngayon sa patong patong na kaso ang suspek gaya ng paglabag sa Republic Act 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act), Article 294 (robbery with violence against or intimidation of persons) ng Revised Penal Code, RA 6713 (Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees), at RA 8424 (Tax Reform Act of 1997).

—Ulat ni Lyza Aquino, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.